ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 24, 2022
Buong tapang na ipinasok ni Trae Young ng Atlanta Hawks ang nagpapanalong buslo na may 5 segundo sa orasan kontra sa numero unong Miami Heat, 111-110, sa pagpapatuloy ng NBA Eastern Conference Playoffs, kahapon sa State Farm Arena. Sa kabilang serye, nagising ang Milwaukee Bucks at dinurog ang Chicago Bulls, 111-81.
Tumawag agad ng timeout ang Miami, subalit hindi naipasok ni Jimmy Butler ang 3-points. Dahil sa panalo, nabuhayan ng pag-asa ang Hawks, subalit lamang pa rin ang Heat sa serye, 2-1. Nanguna si Young na may 10 ng kanyang 24 puntos sa 4th quarter. Sinuportahan siya ni Bogdan Bogdanovich na may 18 puntos buhat sa apat na tres.
Gumamit ng balanseng atake ang Bucks sa pangunguna ng reserbang si Grayson Allen na nagbagsak ng 22 puntos. Parehong may tig-18 puntos sina Giannis Antetokounmpo at Bobby Portis na humakot din ng 16 rebound.
May 8 minuto pa sa laro ay nagpasya na si Coach Mike Budenholzer na paupuin ang mga bituin at ipasok na ang lahat ng reserba at lalong lumobo ang lamang, 101-64. Mahalaga ang tagumpay ng Milwaukee matapos yumuko sa Bulls noong Game 2, 110-114.
Sa Western Conference, pinatunayan muli ni Chris Paul na nararapat na tawagin siyang “Point God” at mag-isang binuhat ang numero unong Phoenix Suns sa 114-111 na pagwagi sa New Orleans Hornets at umabante sa seryeng best-of-seven, 2-1.
Uminit sa 18 ng kabuuang 27 puntos na may kasamang 14 assist si Paul sa 4th quarter na nagsimula na lang ng dalawa ang Phoenix, 81-79. Nag-ambag din ng 28 puntos si Deandre Ayton at malaking bagay na umangat ang iba pa niyang kakampi at wala pang linaw kung kailan makalalaro si Devin Booker matapos masaktan ang hita sa 114-125 pagkabigo sa Game 2.
Samantala, si Coach James Borrego ng Charlotte Hornets ang unang coach na sinisante matapos ang kampanya ngayong taon. Nagtala ng kartadang 43-39 ang Hornets, subalit natalo agad sa Atlanta Hawks sa Play-In Tournament, 103-132.
Comments