top of page
Search
BULGAR

Cash ayuda, dapat akma sa presyo ng bilihin

ni Ryan Sison - @Boses | June 06, 2023



Umapela ang isang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pabilisin ang proseso para sa pagtaas ng cash grants o “ayuda” sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito ang naging pahayag ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee, matapos ang ginanap na pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation, kung saan nababahala ang baguhang kongresista na ang mga panukalang batas para sa pagtaas ng mga ayuda ay maaaring abutin hanggang sa taong 2025 bago ito maisabatas at maipatupad.

Ayon kay Lee, hindi man ito kasing taas ng nasa mga panukalang batas ngayon, siguradong malaki na ang maitutulong sa 4.4 milyong pamilyang benepisyaryo ang anumang dagdag na halaga para maibsan ang kanilang pasanin sa epekto ng pandemya at mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act (RA) No. 11310 o ang 4Ps Act, ang National Advisory Council (NAC) ay may mandato na tukuyin ang halaga ng cash grant na ipapamahagi sa mga benepisyaryo.

Ang DSWD ang lead agency ng council habang ang 4Ps ay ang flagship poverty alleviation program ng gobyerno.

Si Lee ang pangunahing may-akda ng “Expanded 4Ps Act” na naglalayong magbigay ng capacity building, partikular na sa edukasyon, entrepreneurship training, at skills upgrading, para sa mga benepisyaryo. Inaprubahan ang panukala ng House Committees on Appropriations and Poverty Alleviation noong Mayo 16.

Nasasaad naman sa Seksyon 10 ng RA No.11310 na ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ay may mandato na tuwing anim na taon matapos ang bisa ng batas na, “irekomenda sa NAC kung ang mga cash grants ay dapat iakma sa kasalukuyang halaga o value nito gamit ang consumer price index, gaya ng inilathala ng Philippine Statistics Authority (PSA)”.

Dagdag pa rito, “dapat tiyakin ng NAC na ang mga nai-grant na halaga ay sapat upang magkaroon ng positibong epekto sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga benepisyaryo at napapanahong natanggap at ginagastos ng mga benepisyaryo”.

Malaking tulong para sa ating mahihirap na mga kababayan kung matatapos nang mas maaga at maibibigay ng gobyerno ang dagdag sa kanilang ayuda.

Magiging magaan na rin para sa mga benepisyaryo ang matatanggap na ayuda na palaging nag-iisip ng baon ng kanilang mga anak sa eskuwela, kakainin sa araw-araw at pambili ng mga gamot at bitamina.


Sa kinauukulan, sana ay magtuluy-tuloy pa ang pag-aksyon at pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page