ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 12, 2024
"Matapang," nakangising sabi ng big boss na si Nhel Zamora.
Hindi niya akalain na ang mismong anak-anakan na tina-target niya ang nagnanais na makausap siya.
Ang ini-expect kasi niya ay tatakbo at magtatago ito. Ang gusto kasi sana niyang mangyari ay iwanan ng dalaga si Pedro Pedral, gusto niya kasing iparanas sa lalaking iyon kung paano maiwanan.
Alam niyang kahit hindi nito kadugo si Olivia Castro, mahal nito ang babae at iyon ang nagpapatindi sa galit na kanyang nararamdaman.
Dahil sa kapabayaan nito sa kanyang ina, ibang lalaki ang kinailangan niyang kilalaning ama dahil sa pagtakas nito sa responsibilidad.
Ayon sa kanyang stepdad na si Manuel Miranda, kailangan niyang maging matapang sa hamon ng buhay.
Kahit na ibinigay ni Manuel ang lahat ng pangangailangan at gusto niya, hindi pa rin mababago ang katotohanan na masamang gawain ang tinuturo nito sa kanya. Malaking bahagi ng kanyang isipan ang nagsasabi na hindi niya gusto iyon pero sakit ng katawan ang matatamo niya kapag hindi siya rito sumunod.
Dahil wala itong kakayahan na magkaroon ng anak, inangkin siya nito na para na ring isang anak. Kung ang iba ay sinasabing suwerte siya, puwes para sa kanya hindi niya iyon nararamdaman.
Kung talaga kasing bukal sa loob nito ang sinasabi niya dapat sana ay binago nito ang kanyang apelyido gayung ikinasal naman ito sa kanyang ina.
Gayunman, palagi nitong sinasabi na siya ang magmamana ng kanilang negosyo. 'Di niya lang alam kung paano siya matutuwa kung masama rin naman ang ipapamana nito sa kanya - ang pasugalan at pagpapautang.
Ang mga taong umuutang sa kanila na wala ng kakayahang magbayad, ang ginagawa nilang solusyon ay kuhain ang ari-arian o 'di kaya kitilin ang buhay ng mga ito.
“Mag-usap tayo,” mariing sabi ng isang babae na nasa harapan na pala niya – si Olivia Castro.
Nanlilisik ang mga mata nito at para bang dambuhalang pusa na gusto siyang kalmutin.
Itutuloy…
Comentarios