ni Lolet Abania | May 7, 2021
Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang aplikasyon ng lokal na kumpanya na i-register ang Ivermectin bilang isang anti-nematode na maaari nang gamitin sa tao pangontra-bulate.
Unang nakilala ang Ivermectin bilang gamot sa hayop.
“Lloyd Laboratories applied for a CPR (certificate of product registration) for locally manufactured ivermectin as an anti-nematode drug,” ani FDA Chief Eric Domingo.
“It was granted after they submitted data to support [the] quality and stability of the product,” sabi pa ni Domingo.
Ang CPR ay isang market authorization kung saan ang isang gamot ay pinapayagang komersiyal na ibenta.
Matatandaang binanggit ni Domingo na dalawang kumpanya ang nag-apply ng CPR para sa Ivermectin.
Naging kontrobersiyal ang naturang anti-parasitic drug matapos na ilang grupo at maging mga mambabatas ay nagsasabing maaari itong gamitin para mapigilan o makagamot sa COVID-19.
Gayunman, binigyang-linaw ng FDA at Department of Health na ang kasalukuyang ebidensiya ay hindi pa rin sumusuporta para sa paggamit ng Ivermectin bilang isang COVID-19 treatment.
Ang World Health Organization, US FDA, European Medicines Agency at ang Ivermectin manufacturer na Merck ay hindi rin inirerekomenda ang paggamit ng naturang gamot sa mga COVID-19 patients.
Isang clinical trial para sa Ivermectin ang isasagawa ngayong taon upang pag-aralan ang epekto nito sa COVID-19 patients.
Yorumlar