ni Thea Janica Teh | January 6, 2021
Hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng copper face mask, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na naglabas ng advisory 2020-1181 ang FDA ng listahan ng mga aprubadong medical face mask na maaaring magamit.
Sa nasabing listahan, hindi umano kabilang ang copper mask kaya naman hindi ito medical-grade. Naging popular ang copper-infused face mask dahil nakatutulong umano ang copper sa pagpuksa ng virus at dahil sa antimicrobial layer nito.
Ngunit, karamihan sa mga ito ay butas sa parte ng baba. “Nevertheless, considering that it is still a face mask, it can still prevent the spread of COVID-19 mainly by acting as a physical barrier for droplets when a person emits droplets,” dagdag ng DOH.
Matatandaang naging viral ang kuha ng isang netizen sa Makati Medical Center na hindi pinapapasok ang mga taong may suot ng copper face mask at mask na may valve.
Naglabas na ng updated advisory ang ospital at sinabing ang ipinagbabawal na lamang nilang mask ay ang mga may valve, vent, slit o holes.
Samantala, tinatayang nasa 86.5 milyong tao na ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa JOHN Hopkins University coronavirus dashboard.
Comments