top of page
Search
BULGAR

Cop riders vs. riding-in-tandem, epektibo

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 10, 2022


Epektibo ang ginawang hakbang ng Philippine National Police (PNP) na magpakalat ng mounted secret marshals at special motorcycle unit sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mabawasan ang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.


Hindi lang riding-in-tandem ang pakay ng mga special operatives dahil maging ang masasamang elemento na gumagamit ng motorsiklo, tulad ng mga nangongotong na traffic enforcer ay hindi nila pinaliligtas.


Ang mga secret marshals ay sumailalim sa pagsasanay ng tactical motorcycle riding units (TMRUs) para sa mas mabilis na pagtugon sa masasamang elemento gamit ang motorsiklo para labanan ang mga motorcycle riding criminals.


Ayon sa huling datos ng PNP, malaki na ang ibinaba ng mga krimeng kinasasangkutan ng riding-in-tandem na mula sa 1,828 ay naging 756 na lamang sa kabuuan o 58.64% at patuloy pang nababawasan.


Halos lahat ng lokal na pamahalaan ay nais masugpo na ang problema sa riding-in-tandem at isa sa may pinakamalaking hakbang hinggil dito ay ang Mandaluyong City government na ipinagbawal na sa kanilang lugar ang magka-angkas sa motorsiklo maliban na lamang kung magkamag-anak.


Ngunit tinutulan ito ng Court of Appeals (CA) na idineklarang unconstitutional sa kabila nang suportado ito ng ipinasang local legislation na Motorcycle Riding-in-Tandem Ordinances, kaya muling naging aktibo na naman ang mga ito.


Sa Pampanga, nasa 50 bagong tactical motorcycle riding units (TMRUs) ang ikinalat din sa iba’t ibang bayan ng nabanggit na lalawigan upang maagapan ang paglaganap ng krimen.


Ayon sa Pampanga Police Provincial Office ang ginawa nilang ito ay upang madagdagan ang presensya ng pulis sa mga lansangan na mas madali at mabilis na rumesponde lalo pa’t ang Pampanga ay napakalapit sa Metro Manila, kung saan mas mataas ang kaso ng riding-in-tandem.


Ang pagpapakalat ng mga bagong TMRUs ay pagtanggap ng pamunuan ng PNP na talagang dapat mas magaling ang kanilang operatiba kumpara sa mga riding-in-tandem kaya sinanay nila itong mabuti.


Kung sakali nga namang magkaroon habulan ay masisiguro ng mga cop riders na aabutan nila ang mga salarin na gumagamit din ng motorsiklo kahit umabot pa sa kabundukan ang habulan.


Sana lahat ng lalawigan ay bigyang-suporta ang mga operatiba ng TMRUs, tulad ng ginawa sa Pampanga para sa oras na umatake ang mga kawatan o iba pang klase ng masasamang loob na lulan ng motorsiklo ay madaling mahabol.


Ang bentahe ng mga operatiba ng TMRUs ay sumailaim sa matinding pagsasanay at lahat ng sistema ng mga motor-riding suspects ay pinaghandaan nilang mabuti, kaya alam nila kung paano ito haharapin.


Sa Metro Manila ay may mga operatiba na rin naman ang TMRUs, ngunit dapat dagdagan pa ang bilang maliban na lamang kung sumasapat na ang kanilang puwersa dahil nga sa malaki na rin ang inihina ng riding-in-tandem.


Dapat bigyan natin nang pagsaludo si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. dahil ang pagpapakalat ng mga riding cops ay bahagi ng kanyang MKK programa na Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan—Tungo sa Kaunlaran.


Base sa talaan ng PNP, umabot na sa 36, 848 ang mga kababayan naging biktima ng criminals riding pillion mula 2010 hanggang 2020 at nasa 8,805 ang namatay sa mga ito.

Kung dati-rati ay nawawalan ang mga kababayan natin ng motorsiklo, bags, cellphones at iba pang mahahalagang bagay dahil sa mga riding-in-tandem—ngayon kahit paano ay mga operatiba ng nasa paligid na nagbabantay.


Sana mapabilis din ang isinasagawang pagbabago sa bagong pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na maisaayos na ang napakalaking backlog sa plaka ng mga motorsiklo upang makabawas din sa paggawa ng krimen ng ilang masasamang loob.


Negatibo ang dating sa ating mga ‘kagulong’ sa katagang riding-in-tandem, kaya mabuti na may riding cops na tatapat dito para maipakita sa mundo na nakamotorsiklo rin ang susugpo sa krimeng kinasasangkutan ng ilan-ilan lang namang nakamotorsiklo.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page