ni Gerard Arce @Sports | February 26, 2023
Nakabawi mula sa first set na pagkabigo ang five-time conference champion na Creamline Cool Smashers upang muling biguin ang Chery Tiggo Crossovers upang makuha ang tatlong sunod na set patungo sa four-set panalo sa 17-25, 25-11, 25-19, 25-21 kahapon sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Lumista ng triple-double na kontribusyon si dating one-time conference MVP Jessica Margaret “Jema” Galanza na bumuhos ng 25 puntos mula sa 22 atake, 13 digs, at 12 receptions, gayundin sina Michelle Gumabao na may 17 puntos mula lahat sa atake, Celine Domingo sa 16pts at ang pambihirang 34 excellent sets ni Julia Morado-De Guzman kasama ang apat na puntos.
Subalit mas naging matibay ang ipinakitang pagsubsob sa bola para sa mahigpit na floor defense ni libero Kyla Atienza upang iligtas sa balakid ang Creamline. Sinalo ng 2019 league at 2022 ASEAN Grand Prix Best Libero ang 20 na digs upang maisalba ang mga matitinding atake at opensibang pinakawalan ng mga kakampi.
Samantala, sinimulan ng defending champions NU Lady Bulldogs ang malupit na kampanya nang walisin ang Ateneo Blue Eagles sa bisa ng 25-15, 25-20, 25-16, habang walang kahirap-hirap na tinapos ng Adamson Lady Falcons ang UE Lady Warriors sa loob lang ng 63 minuto para makuha ang 25-19, 25-9, 25-5 panggugulpi sa pagbubukas ng 85th UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lumapa ng husto si heavy-hitter Alyssa Solomon sa kabuuang 12 puntos mula sa 10 atake at tig-isang block at service ace para sa Lady Bulldogs, habang sumegunda si team captain Princess Anne Robles sa 11pts mula sa 10 atake, kasama ang 8 digs para makuha ng Sampaloc-based lady squad ang buwenamanong panalo.
Comments