ni Gerard Arce - @Sports | September 11, 2022
Hindi nagawang masabayan ng Creamline Cool Smashers-Philippine national team ang puwersa ng Thailand ng magawang walisin ito sa bisa ng 25-17, 25-22, 25-12 sa pagsisimula ng 2nd ASEAN Grand Prix Women’s Volleyball Invitation sa Chartchai Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong Biyernes ng gabi.
Matapos paulanan ng matinding atake sa first set, sinubukang makipagsabayan ng CCS-Philippines sa 13-time Southeast Asian Games champions sa pangunguna ni 2019 Premier Volleyball League (PVL) Open conference MVP Jessica Margarett “Jema” Galanza.
Nagawa pang makaagaw ng kalamangan ng national squad sa 17-16 sa second set, subalit tila hindi mapigilan ang lakas ng host country para tapusin ang mga Pinay.
Nagbida para sa national team si Diana Mae “Tots” Carlos na pumuno ng 11 puntos mula sa 10 atake at isang block, habang tumapos sa kabuuang 8 puntos si Galanza na bumira ng 5 puntos sa 2nd set.
Kinapos sa kontribusyon sina PVL Invitational Conference Finals MVP Celine Domingo at Michelle Gumabao ng tig-4 puntos, habang may 3 points si Jeanette Panaga mula sa dalawang service ace.
Naging pangunahing tinik sa lalamunan ng CCS-Philippines si Pimpichaya Kokram na umiskor ng 17 points katulong si Srithong Wipawee na may 10 points bago nagpahinga sa third set.
Makakatapat ng Pilipinas sunod ang Vietnam na tinambakan ang Indonesia sa 25-23, 25-19, 25-9. Sakaling magtagumpay ang CCS-Philippines kontra Vietnam ay malaki ng posibilidad na makakuha ng silver medal ang koponan kasunod ng back-to-back bronze medals noong 2019 edisyon na ginanap sa Thailand at Sta. Rosa, Laguna sa first at second leg, ayon sa pagkakasunod.
Sa nagdaang Asian Volleyball Confederation Cup for women, nakuha ng CCS-Philippines ang pinakamataas na ranking sa ikalawang beses na pagsalang sa ika-6th place finish.
Sa laban kontra Vietnam, hindi nakalaro si Jia Morado-De Guzman dahil sa health and safety protocol.
Comments