ni Gerard Arce / VA @Sports | June 18, 2023
Sisimulan ng Creamline Cool Smashers ang kanilang pagdepensa sa titulo ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa pakikipagharap sa balasadong Cherry Tiggo Crossovers sa pagbubukas ng salpukan simula Hunyo 27 sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nananatiling matinding line-up ang ipaparada ng Cool Smashers na inaasahang pagbabalik sa koponan ni team captain at multi-titlist MVP Alyssa Valdez, na paniguradong sasaklolohan ng dekalibreng mga atake nina 3-time conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos, Jema Galanza, Michelle Gumabao, Celine Domingo, Risa Sato, Pangs Panaga, libero Kyla Atienza, ace setter Julia Morado-De Guzman at ang nagbabalik indoor na si Bernadeth Pons.
Makakatapat ng six-time conference champions ang rookie-laden team na paniguradong pangungunahan ni 2022 Reinforced Conference MVP Mylene Paat ang grupo nina dating National University Lady Bulldogs Cess Robles, Jen Nierva at Joyme Cagande at sina UST stars Imee Hernandez at Eya Laure.
Magduduwelo ang dalawang koponan ng 6:30 p.m., habang magde-debut ang bagong tatag na Farm Fresh Foxies ni coach Jerry Yee laban sa All-Filipino Cup third placer F2 Logistics Cargo Movers ng 1:30 p.m.
Ipararada ang Foxies ng mga back-to-back NCAA champions na Lady Blazers. Ilalatag sa 3-game schedule ang laro ng Pool B preliminaries ng mas pinalakas na Cignal HD Spikers nina ‘GonzAquis’ nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis, gayundin ang debut ni Vanie Gandler laban sa All-Filipino runner-up na Petro Gazz Angels sa 4 p.m.
Magpapakitang-gilas din sa PVL debut ang Quezon City Gerflor Defenders laban sa powerhouse Creamline sa Pool A sa Hunyo 29 kasunod ni Cherry Ann “Sisi” Rondina para sa Flying Titans kontra Farm Fresh at tatapusin ng Angels at nagbabalik indoor games na Foton Tornadoes.
Comentários