ni MC @Sports | June 3, 2024
Pilak na medalya ang nasungkit ni Patrick Bren Coo mula sa 2024 Asian Cycling Confederation BMX Championships sa Thailand upang ganap na umangat ang kanyang potensiyal sa naturang sport.
Ang silver medal na kanyang nakuha sa Kamol Sports Park sa Nong Chok ay mula na rin sa unang nakuha niyang men’s elite bronze medal ng nakaraang taon sa Hangzhou Asian Games at ang gold medal na kanyang nahamig bilang junior rider noong 2019 Asian championships sa Malaysia.
“I’m so blessed and I’m happy that all my hard work are paying off,” ayon sa 22-anyos na si Coo, isang Olympic Solidarity scholar na inilaan ang buong taon ng pagsasanay sa UCI World Cycling Center sa Aigle, Switzerland at pagdayo na rin sa iba't ibang bansa para sa kompetisyon.
Nagtapos si Coo sa likod ni Thailand's BMX ace Komet Sukprasert, na nagwagi ng kanyang ikatlong diretsong Asian championships gold medal habang pakay nito ang Paris Olympics.
Nakumpleto naman Shimada Ryo ng Japan ang men’s elite podium ng championships na nilahukan ng mahigit sa 500 atleta sa Asya.
“My congratulations to Patrick, he’s been working hard and his dedication and passion for BMX is getting stronger each day,” ayon kay Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, na pinuno ng national association for cycling, PhilCycling.
Pinasalamatan naman ni Coo si Tolentino at ang Philippine Sports Commission sa kanilang matinding suporta sa kanyang kampanya para sa 2028 Los Angeles Olympics.
Comments