ni Rey Joble @Sports News | Oct. 1, 2024
Nagbuhos ng 48 puntos sa 4th quarter ang Converge, kabilang ang makapigil-hiningang, buzzer-beating jumper ni Alec Stockton at manatiling buhay ang kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup matapos maisalba ang 114-112 panalo kontra San Miguel Beer.
Sa harap ng mga nanonood nitong Lunes ng gabi sa 2nd game, isa si Stockton sa 6 na players na tumapos ng double figures, pero higit sa lahat ang pinakaimportanteng jump shot na nagtawid sa FiberXers sa panalo at manatiling humihinga sa torneo.
“We have nothing to lose, we’re down 0-2 and we just kept fighting,” ang sabi ni Stockton. “I’m speechless. But we just didn’t give up.” Dinumog ng kanyang mga kakampi si Stockton matapos pumasok ang initsang jump shot na halos malapit na sa three-point area kasabay ng pagtunog ng buzzer, pero sapat na ito para masungkit ng FiberXers ang pahirapang panalo.
“This is just one. When you think about it, it’s hard to beat this team three straight,” dagdag pa ni Converge coach Franco Atienza. “But we didn’t give up and we’re thinking of one game muna that is this Friday.”
Kinailangan ng FiberXers na magpaulan ng mga puntos at ang 48 puntos ang naging dahilan para mahabol nila ang 27 puntos na kalamangan ng San Miguel. Ibinaon ng Beermen ang FiberXers, 83-56, sa papatapos na bahagi ng 3rd period at tila naghahanda na ang San Miguel na sundan ang Barangay Ginebra papasok sa semifinal round. Pero hindi pa handa ang Converge na isuko ang bandera.
Sa pinagsamang lakas nina Stockton, Justin Arana, import Jalen Jones, Bryan Santos, King Caralipio at Schonny Winston, nagawang makahabol ng FiberXers at nagkaroon ng pagkakataon na matuka ang Beermen sa dulo ng laban sa kabayanihan ng dating star player ng FEU.
Solidong numero na naman ang ibinuhos ni Arana na may double-double performance na 23 puntos at 11 rebounds. May 20 puntos namang naiambag si Stockton habang double-double rin si Jones na may 17 puntos at 14 na rebounds.
Tumapos ng 15 puntos si Santos, lahat ng ito ay nagmula sa three-point area, para painitin ang opensiba ng Converge, habang 11 naman ang naitala ni Caralipio. May 10 namang naidagdag si Winston.
Comments