top of page
Search

Contact details ng SSS para sa miyembrong may katanungan

BULGAR

by Info @Buti na lang may SSS | Feb. 23, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang delivery rider ng isang food delivery app. Marami akong nais itanong sa SSS ukol sa mga benepisyo nito ngunit hindi ko alam kung saan ako maaaring makahingi ng kasagutan. Salamat.  — Oscar


 

Mabuting araw sa iyo, Oscar!


Napapanahon ang iyong katanungan dahil sa nasa yugto tayo ng panahon na lubhang laganap ang fake news at misinformation. Karaniwang dilemma na ng tao ngayon kung accurate ba ang mga impormasyong nakikita nila na pumapasok sa feed nila sa Facebook at iba pang social media platform.


Gaya ng ibang organisasyon, ang Social Security System (SSS) ay nagiging subject din ng hindi accurate na impormasyon o fake news sa social media. Kaya mahalaga na malaman mo at ng mga miyembro ng SSS kung saan ba makakakuha ng tamang impormasyon.


Kung tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, iminumungkahi namin na i-follow mo ang mga opisyal na social media pages ng SSS. Nasa sa Facebook, X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber ang SSS at ang tangi mong gagawin ay hanapin lang ang MYSSSPH. Tinitiyak namin na ang makukuha mong impormasyon dito ay tama dahil ang mga content sa mga nasabing social media pages ay opisyal na mula sa SSS. 


Kung ikaw naman ay may katanungan o query, maaari kang magpadala ng iyong mensahe sa usssaptayo@sss.gov.ph. May mga nakatalagang SSS employees na handang sumagot sa mga katanungan ng miyembro na nagpapadala ng kanilang inquiries sa nasabing email.


Mayroon ding hotline ang SSS na maaari mong tawagan para sa iyong katanungan. I-dial lang ang 1455 at may sasagot sa iyo na SSS member representative upang magbigay linaw sa iyong queries.


Bukod dito, maaari mo ring kontakin ang SSS branch office na malapit sa iyo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa corporate e-mail address ng nasabing sangay ng SSS o ‘di kaya’y tawagan ang telephone number nito.

Madali lang hanapin ang contact details ng aming mga branch offices. Bisitahin lang ang aming website, www.sss.gov.ph, at i-click ang “See Branch Directory” upang makita ang branch office na malapit sa‘yo. Makikita mo rito ang address ng aming branch office, telephone number at e-mail address nito.


Maraming kaparaanan upang makahingi ng kasagutan sa inyong inquiry sa SSS.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Batay sa SSS Circular 2022-022, maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


 

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page