top of page
Search
BULGAR

Congresswoman sana, wala raw pera… MARJORIE, SA KYUSI NAKATIRA, SA CALOOCAN ULI TATAKBONG KONSEHAL

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 1, 2024



File photo showbiz
File photo: Marj Barretto

Balik-pulitika pala ulit si Marjorie Barretto, ayon na rin sa mga nakatsikahan naming taga-Caloocan City. 


Matatandaang naging konsehala ng 2nd District ng Caloocan ang dating aktres simula 2007 hanggang 2013 o dalawang termino.


Ang tsika sa amin ay congresswoman daw ang unang plano ni Marjorie at sa partido ni dating Senator Antonio Trillanes IV na napabalitang tatakbong mayor ng Caloocan kung saan siya ipinanganak at doon din bumoboto lagi ang magiting na senador. 


Inalok daw ni Trillanes si Marjorie pero dahil malaki ang kakailanganing pondo para sa kandidatura na hindi naman kaya ng dating aktres, umatras at lumapit ito kay First District of Caloocan Representative Oca Malapitan at nagkasundo na konsehal na ang tatakbuhin niya sa unang distrito ng nasabing lungsod.


Nangako raw si Cong. Oca na susuportahan niya si Marjorie sa pagbabalik nito sa Konseho kaya panay na raw ang libot nito sa ilang lugar sa First District ng Caloocan.


Well, ang tanong lang ng kausap naming taga-Caloocan, “Paano siya tatakbo kung hindi naman s’ya tagarito? ‘Di ba sa Ferndale Village s’ya nakatira sa may Kyusi? Barangay Pasong Tamo ‘yun, hindi sakop ng Caloocan.”


Hmmm… bigla rin tuloy kaming napaisip. Eh, baka may bahay siya sa Caloocan, hindi lang nababalita.


“Dati, nu’ng tumakbo siya, 2nd District kasi tagarito si Dennis (Padilla). Gamit niyang address ‘yung kay Dennis. Eh, ngayon, wala na sila ni Dennis, kaninong address ang gagamitin n’ya?” tanong-komento ulit ng aming kausap.


Magkakaalaman din naman pagdating ng right time kung ano'ng address talaga ang gagamitin ni Marjorie dahil 'pag nag-fill-up siya ng application ay kailangang Caloocan resident siya, sabi namin sa aming nakausap.


Samantala, may tsika na sa nakaraang 50th birthday ni Marjorie na ginanap sa Cirkulo

Restaurant Milkyway Building, Paseo de Roxas nu’ng Mayo 19 ay nandu'n si dating Mayor Recom Echiverri na ama ng bunsong anak nitong si Erich, na ngayon ay 12 years old na.


Base sa obserbasyon ng nakakuwentuhan namin ay close pa rin sina Marj at Recom.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page