ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 31, 2024
NANG MATUKLASAN NG PNP ANG LAGUSAN SA KOJC COMPOUND, NAGSISIPAGWALAAN NA ANG MGA KASAPI NG SEKTA NI QUIBOLOY, RAMDAM NA NILANG MALAPIT NANG MATIMBOG ANG ‘SON OF GOD’ -- Natuklasan na ng mga otoridad ang lagusan papasok sa nakatagong magarbong kuwarto ni Pastor Apollo Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound, at sa ilalim nito ay natagpuan din ang iba pang lagusan, at ito ngayon ang binabaybay ng pulisya.
Kaya naman pala nagsisipagwalaan na ang mga kasapi ng sekta ni Quiboloy sa loob at labas ng compound ng KOJC, kasi parang alam na nilang malapit-lapit nang matimbog ang kinikilala nilang “Son of God,” boom!
XXX
‘DI DAPAT I-BASH SI CONG. GOMA SA MUNGKAHING I-OPEN SA IBANG MOTORISTA ANG EDSA BUSWAY KASI SA TOTOO LANG KAUNTING BUS LANG NAMAN ANG DUMADAAN DITO -- Imbes i-bash, dapat suportahan ng publiko ang mungkahi ni Leyte Rep. Richard Gomez na i-open sa ibang motorista ang EDSA Busway kapag rush hour kasi kaunting pampasaherong bus lang naman ang dumadaan dito (busway) para kahit paano maibsan ang matinding trapik sa kahabaan ng EDSA.
May punto naman talaga si Cong. Goma sa iminungkahi niyang ito, at alam iyan ng mga motoristang bumabagtas sa EDSA na totoong mangilan-ngilang pampasaherong bus lang naman ang bumibiyahe sa busway. Kaya nga ang ibang motorista na nabubuwisit sa trapik sa EDSA ay naiisipang pumasok sa nasabing busway kahit alam nilang bawal dahil nga napakaluwag, at bibihirang bus lang ang dumadaan dito, period!
XXX
MATAPOS AMININ NI AR DELA SERNA NA HINDI SIYA NURSE, MARAMING NAPATAAS ANG KILAY SA ISYUNG LAGING KARAY ITO NI HARRY ROQUE ABROAD -- Nang mabulgar noon na laging kasa-kasama ni former presidential spokesman Harry Roque sa kanyang pag-a-abroad ang dati niyang staff na si 2016 Mr. Supranational Philippines AR Dela Serna, ang ginawa niyang palusot ay need daw niya ang travel companion dahil may mga sakit siya. Diabetic daw siya, with coronary stent at acute spinal stenosis.
Ito na siste, sa pagdinig sa Kamara noong Aug. 28, 2024 ay tinanong ni House-Quad Committee Chairperson Ace Barbers si Dela Serna kung may medical background o kung nag-aral man lang ng pagiging nurse, ang tugon nito ay, “Hindi po, no po.”
Dahil sa sinabing ‘yan ni Dela Serna ay marami sa loob ng Kamara at netizens ang nagtaasan ang kilay na kumbaga, alam na kung bakit laging karay-karay ni Roque sa abroad ang dating staff niyang naging Mr. Supranational Philippines, boom!
XXX
HINDI MAN AMININ, TIYAK MASAMA ANG LOOB NI CARDEMA KASI TODO-SUPORTA SIYA SA KANDIDATURA NI PBBM, TAPOS SINIBAK NGAYON SA NYC -- Sinibak ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) si Duterte Youth Founder Ronald Cardema bilang chairman ng National Youth Commission (NYC) at ang ipinalit sa puwesto nito ay si Tourism Regional Director Joseph Francisco Ortega.
Hindi man aminin ay tiyak masama ang loob ni Cardema sa pagsibak sa kanya sa NYC kasi todo-suporta siya sa kandidatura ni PBBM for president, tapos porke siya ang founder ng Duterte Youth ay tanggal sa puwesto ang inabot niya, tsk!
Comments