@Buti na lang may SSS | October 16, 2022
Dear SSS,
Magandang araw SSS! Mayroon akong SSS housing loan na matagal ko nang hindi nahuhulugan. Kaya nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program sa housing loan ang SSS ngayon? - Zenaida
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Zenaida!
Para sa iyong kaalaman, naglunsad kamakailan ang SSS ng Penalty Condonation Program for Housing Loan (PCPHL) para sa mga miyembrong may hindi nababayarang housing loan.
Pinagtibay ang PCPHL upang bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na mabayaran ang kanilang past-due housing loan obligations sa SSS sa tulong ng affordable payment scheme at condonation o pagpapaliban ng multa.
Sinasabing may past-due housing loan ang miyembro kung ito ay delinquent o hindi na nababayaran sa nakalipas na anim na buwan as of filing date ng aplikasyon ng miyembro sa loob ng condonation period.
Sakop ng nasabing programang ang lahat ng housing loan borrowers, kanilang duly designated successor/s-in-interest/legal heir/s na may past due housing loan obligations, kahit expired o hindi ang orihinal o dati pang restructured loan.
Kasama rin ang mga housing loan borrowers na foreclosed ang property at sumailalim na sa auction sale kung saan ang SSS ang winning bidder at ang Certificate of Sale ay hindi pa nakarehistro sa ilalim ng SSS housing loan programs tulad ng:
Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing loan accounts;
Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers (OFWs)/ Worker’s Organization Members (WOMs); at
Direct House Repair and Improvement Program.
Maaaring mag-avail sa PCPHL ang lahat ng mga miyembrong may past-due housing loan obligations, gayundin ang successors-in-interest o legal na mga tagapagmana.
Sa ilalim ng programa, Zenaida, babayaran mo ito ng buo o one-time full payment ang outstanding principal, interest, insurance dues at legal expenses sa loob ng 90-araw mula nang matanggap ang notice of approval ng aplikasyon. Samantala, walang installment scheme para sa PCPHL.
Tatanggap naman ang SSS ng aplikasyon para sa PCPHL mula Oktubre 1 hanggang Disyembre 31, 2022.
Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa sa pinakamalapit na Housing and Acquired Assets Management Section (HAAMS) sa mga sangay ng SSS sa buong bansa o di kaya’y magpunta sa Housing and Acquired Assets Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Para sa mga karagdagang detalye, maaari silang makipag-ugnayan sa Housing and Acquired Assets Management Department sa telephone number (02) 8709-7198 local 5435.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
***
Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.
Binuksan din ng SSS noong Biyernes, Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments