ni Fely Ng @Bulgarific | April 4, 2023
Hello, Bulgarians! Sa harap ng banta ng long COVID sa mga manggagawa, muling iginiit ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion ang kanyang panawagan sa mga pharmaceutical companies na mag-apply na ng Certificate of Product Registration (CPR) para sa COVID-19 bivalent vaccines.
Kasunod ito ng babala ng infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante sa panganib ng “long COVID”, na nagdudulot ng pangmatagalang epekto ng sakit sa mga nahawahan ng COVID-19. Si Dr. Solante ang resource speaker noong Lunes sa COVID-19 Town Hall, “Minimizing Business Disruptions Through COVID-19 Booster Vaccination”.
Ilan sa mga epekto ng long COVID at ang “brain fog” at pagiging makamalimutin. Ayon kay Dr. Solante, maaapektuhan nito ang trabaho at ang kumpanya. Ang long COVID ay naobserbahan na natatangi sa SARS-CoV2 virus na nagdudulot sa sakit na COVID-19.
Makakatulong ang mga booster dose upang maiwasan ang iba pang komplikasyon ng virus, lalo na ang long COVID, na nakaapekto sa malaking porsyento ng mga taong nahawahan na ng naturang sakit.
Umapela si Concepcion sa mga pharma companies na mag-apply na ng CPR. "Dapat nating tandaan na ang bansa ay wala na sa ilalim ng state of public health emergency, kaya hindi na tayo makakapag-import ng mga bakunang COVID-19 sa pamamagitan ng Emergency Use Authorization," ani Concepcion, na pinamumunuan ang Jobs group ng Private Sector Advisory Council.
Sa pagpupulong ng town hall, binigyang-diin ni Dr. Solante ang kahalagahan ng booster doses dahil makakatulong ito na maprotektahan ang mamamayan sa malubhang bersyon ng virus at magbibigay-daan para magpatuloy sila sa pagtulong sa ekonomiya.
Ayon kay Dr. Solante, mas madaling protektahan ang mga mas maliliit na grupo gaya ng nasa opisina. “It’s very difficult to build a population wall of immunity in the community,” sabi ni Dr. Solante.
“At least in your workplace, if all of you are vaccinated, if all people are boostered, then you have a lower risk of higher absenteeism and loss of productivity.”
Pabigat din sa mga grupo ng manggagawa ang long COVID. “Imagine in a company where you have an individual who developed mild infection but long COVID was there. The co-morbidities are amplified, uncontrolled hypertension, uncontrolled diabetes. That’s something that really will be a burden of the infection in terms of productivity,” sabi niya.
Umaasa si Concepcion na ang bakuna laban sa COVID ay magiging tulad ng mga bakuna para sa pneumonia, trangkaso at shingles, na madali nang ma-access.
“Ang paraan para madaling makakuha ang bansa ng mga kinakailangang bivalent vaccines ay para sa mga pharmaceutical firm na mag-apply para sa CPR. Hindi tayo maaring laging umasa sa indemnification ng gubyerno laban sa mga masamang reaksyon,” sabi ni Concepcion.
Kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag palawigin ang state of emergency, na nag-expire noong Disyembre 31, 2022, ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay maaari lamang makuha at gawing available sa publiko sa pamamagitan ng CPR.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
תגובות