top of page
Search
  • BULGAR

Computation ng sickness benefits sa SSS

@Buti na lang may SSS | December 12, 2021



Dear SSS,


Paano ba ang computation ng sickness benefit? – Shiela


Sagot


Mabuting araw sa ‘yo, Shiela!


Ang sickness benefit o ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro ng SSS para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro kabilang ang mga employed, self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs).


Kinakailangang nakapaghulog din siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12-buwan bago ang semestre ng kanyang pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.


Para sa mga empleyado, isa rin sa mga kuwalipikasyon ay nagamit na niya ang lahat ng kanyang company sick leaves. Napakahalaga na tandaan ang 10-day notification period kung saan kailangan ng employed member na siya ay makapag-notify sa kanyang employer simula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit. Gayundin, binibigyan ang mga employer ng karagdagang limang araw upang ipagbigay-alam ang pagkakasakit ng kanyang empleyado sa SSS. Kung sakaling maantala ang pag-notify ng empleyado sa employer at ng employer sa SSS, may kaukulang pagbabawas sa maaaprubahang bilang ng araw ng pagkakasakit ng empleyado.


Ang miyembro ay mapapagkalooban ng benepisyo sa pagkakasakit ng hanggang 120-araw sa loob ng isang taon at karagdagang 120-araw sa susunod na taon kung magpapatuloy ang dating sakit. Gayunman, kung ito ay higit pa sa 240-araw, siya ay maaaring mag-apply ng Disability Benefit Program.


Ganito ang pagkuwenta ng halaga ng sickness benefit. Una, alamin ang semestre ng pagkakasakit. Ang isang semestre ay ang dalawang magkasunod na quarter na nagtatapos sa quarter ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ito ay nagtatapos sa Marso, Hunyo, Setyembre o Disyembre.


Ikalawa, alamin ang huling 12-buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ikatlo, alamin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng nasabing 12-buwan. Samantala, ang monthly salary credit ang batayan ng halaga ng benepisyong tatanggapin ng miyembro sa SSS.


Ikaapat, sumahin ang anim na pinakamataas na salary credit upang makuha ang total monthly salary credit. Kailangang i-divide ito sa 180-days upang makuha naman ang average daily salary credit saka i-multiply sa 90% para makuha ang daily sickness allowance. Kung anuman ang suma nito ay ang halaga ng benepisyo o daily sickness allowance ng miyembro batay sa inaprubahang bilang ng mga araw ng kanyang pagkakasakit.


Halimbawa, nagkasakit ang miyembro ng pitong araw nitong Nobyembre 2021. Ang semestre ng kanyang pagkakasakit ay mula Hulyo 2021 hanggang Disyembre 2021. Ang huling 12-buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay mula Hulyo 2020 hanggang Hunyo 2021. Ipagpalagay nating ang anim na pinakamataas na monthly salary credit ay P16,000 bawat isa. Samakatwid, ang kabuuang monthly salary credit ay P96, 000 at may average daily salary credit na P533.33.


Ang 90% ng kanyang average daily salary credit ay P480. Ito ang kanyang daily sickness allowance. I-multiply ang daily sickness allowance o P480 sa pitong araw at ang lalabas na halaga ay P3, 353. Ito ang kabuuang benepisyo sa pagkakasakit ng miyembro para sa pitong araw nitong Nobyembre 2021.


Tandaan na ang bilang ng araw na bibigyan ng sickness benefit ay ang bilang ng araw na inaprubahan ng SSS dahil ito lang ang babayaran ng SSS sa employer. Malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro sa aprubadong sickness notification.


Simula Hulyo 2020, maaari ng mag-file ang mga regular at household employer ang kanilang sickness benefit reimbursement claims sa pamamagitan ng Employer portal sa My.SSS na nasa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lang na ang employer ay nakarehistro sa My.SSS, naka-enroll ang kanyang bank account sa SSS Sickness and Maternity Benefit Payment Thru-the-Bank Program, may aprubadong sickness notification ng kanyang empleyado na nag-claim ng sickness benefit, at may sertipikasyon mula sa kanyang empleyado na paunang nabayaran na niya ang sickness benefit nito.


***


Nais nating ipaalam sa ating mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.


Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page