ni Jasmin Joy Evangelista | January 18, 2022
Hindi napigilang maiyak ng isang partially vaccinated worker matapos itong hindi payagang makasakay sa PUV sa unang araw ng full implementation ng no “vaccine, no ride” policy.
Ayon sa report ni Oscar Oida sa “24 oras”, sinabi ng commuter na si Dianne na maaga siyang gumising para dumalo sa kanyang medical exam sa trabaho pero hindi siya pinayagangmakasakay sa mga pampasaherong sasakyan.
Giit niya ay hindi naman niya kasalanang sa Pebrero pa naka-schedule ang second dose ng kanyang AstraZeneca vaccine.
"Nakakapagod 'yung ginagawa nila. Partially vaccinated naman kami. Bakit 'di kami pinayagan?" tanong niya.
Ilang unvaccinated construction workers din ang hindi pinasakay sa PUV kung kaya’t umuwi na lang.
Samantala, ang mga PUV driver naman na hindi pa kumpleto ang bakuna ay binigyan muna ng warning. Gayunman, ire-report ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi rin ni Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, officer-in-charge ng Regional Highway Patrol Group sa Metro Manila, na gagawa ng aksiyon ang LTFRB sa mga PUV drivers na magba-violate sa polisiya.
Sa kabila ng mga kritisismo, itinuloy ng DOTr ang polisiya nito na i-ban sa mga PUV sa Metro Manila ang mga hindi pa bakunado habang ito ay nasa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas na Alert Level hanggang sa katapusan ng Enero.
Comentarios