top of page
Search
BULGAR

‘Community pantry’, ‘wag haluan ng pulitika, plis lang!

ni Ryan Sison - @Boses | April 20, 2021



Kamakailan ay viral ang “community pantry” sa Maginhawa St., Quezon City kung saan puwedeng maglagay ng pagkain tulad ng bigas, gulay, prutas at de-lata at iba pa na puwede namang kunin ng mamamayang walang kakayahang bumili.


Matapos umani ng atensiyon at papuri mula sa netizens at maging sa Malacañang, nagsulputan na rin ang marami pang community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Kaugnay nito, giit ng isang senador, dapat umanong tularan ng gobyerno at mga pribadong kumpanya ang nagsusulputang community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Dahil kung tutuusin ay maliit na bagay ang pamamahagi ng ilang pangangailangan, ngunit malaking tulong ito sa marami nating kababayan.


Bagama’t aminado ang gobyerno na hindi kakayanin kung solo nilang tutugunan ang pandemya, malaking bagay na may ganitong inisyatibo ang mamamayan. Kumbaga, pare-pareho lang naman tayong hirap dahil sa pandemya, pero marami pa ring gumagawa ng paraan para makatulong sa mga higit na nangangailangan.


Gayunman, habang tuluy-tuloy ang ganitong proyekto sa iba’t ibang lugar, hangad nating maayos itong masagawa — masunod ang health protocols kung sakaling dumagsa ang mga residente, hindi maabuso at higit sa lahat, ‘wag haluan ng pamumulitika. ‘Ika nga, ‘wag epal!


May mga kumakalat din kasing larawan sa isang siyudad na tila inangkin ng lokal na pamahalaan ang community pantry na itinayo ng mamamayan. Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, nasa pandemya tayo at hindi kampanya kaya utang na loob, tigil-tigilan ang ganitong mga galawan.


Hangad nating mas marami pang gumawa nito, lalo na ang mga lokal na pamahalaan at iba pang may kakayahan. Ngunit tulad ng nabanggit, iwasang haluan ng pulitika dahil sa panahon ng pandemya, ang layunin natin ay matulungang makaraos sa araw-araw ang ating mamamayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page