ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021
Sinopla ni Vice- President Leni Robredo ang mga opisyal na nagsasabing komunista ang mga organizers ng community pantry at ang ilan na pilit itong hinahanapan ng butas, batay sa kanyang weekly radio program.
Aniya, “May lugar at panahon para sa lahat. Ngayon na maraming nagugutom, maraming nawalan ng hanapbuhay, malaki ‘yung pangangailangan, dapat nga, ‘pag may mga ganitong activities ay sinusuportahan. ‘Di ba dapat nga, gayahin na lang nila, kaysa nag-aaksaya sila ng panahon na maghanap ng diperensiya?”
Kaugnay ito sa napabalitang ‘red-tagging’ umano kay Maginhawa Community Pantry organizer Ana Patricia Non at sa nangyaring insidente sa pantry ng aktres na si Angel Locsin.
Dagdag pa ni VP Robredo, “Napaka-misplaced, napaka-irresponsible ‘yung ginagawa ng ibang mga opisyal ng pamahalaan, na sa pahanong gaya nito, eh, ‘yan ang iniisip nila… Instead na maging thankful na merong isang bata pa na nakaisip ng napakahusay na activity, hinahanapan pa ng diperensiya.”
Samantala, humingi naman ng paumanhin si VP Robredo sa nangyaring delay sa kanyang free medical teleconsultation program.
Paliwanag pa niya, "Pasensiya na po kung mayroong delays, kasi talagang grabe po iyong volume ng requests na pumapasok. Sinusubukan po nating matugunan as soon as possible, pero hirap po talaga."
Sa ngayon ay mayroong 600 volunteer doctors at 1,900 non-medical volunteers ang Bayanihan E-Konsulta na itinayo ng Office of the Vice-President. Maaaring ma-access ang libreng konsultasyon hinggil sa COVID-19 at iba pang sakit sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang Facebook page.
Comments