top of page
Search
BULGAR

Community pantries, suportahan at ‘wag lagyan ng kulay; gobyerno, nsas, mga negosyante dapat makiisa

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 24, 2021



Patok ngayon sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga community pantry. Unang sumulpot sa sikat na sikat ngayong Maginhawa Street sa Quezon City, duplikado na ito ngayon sa maraming lugar sa Metro Manila at sa mga lalawigan.


Napakaganda ng hangaring ito ng mga orihinal na nakaisip. Isang pagsaludo ang ibinibigay ng inyong lingkod.


Sa panahong ito na marami ang nawalan ng trabaho, mas dumami ang mga walang makain, napakalaking tulong ng mga community pantry na kusang-loob na nagbibigay ng makakain sa ating mga kababayang nagdurusa sa epekto ng pandemya.


Kaya’t tayo’y nalulungkot na sa kabila ng magandang adhikain na ito ng mga kababayan nating may busilak na puso ay minamasama pa ng ilang sektor. Dapat na suportahan para sa kapakanan ng ating mga kababayan, nilalagyan pa nila ng kulay. Huwag naman tayong ganun. Dapat pa nga ay makiisa tayo. Kung tutuusin, maliit na tulong lang ito na ayaw na ngang suportahan ng iba, kinukutya at sinisiraan pa. Kung anu-anong ang ibinabatong akusasyon.


Kaya nga tayo nilikha na may puso, para gamitin sa pagmamahal sa kapwa, hindi para mangutya at manira.


At sa ating palagay, ang magandang layunin ng pagtatayo ng mga community pantry ay mas lalakas at mapapalawak pa kung suportado ito ng gobyerno at ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, gayundin ng mga negosyante.


Marami tayong natatanggap na reklamo mula sa ating mga kababayan. Wala raw silang natatanggap na ayuda mula pa noong una. Kung anumang dahilan ng mga kinauukulan, hindi natin tiyak. Pero ang sigurado, kung makatutulong sila sa proyektong ito ng mga kababayan natin, mas lalawak pa ang aabutan ng tulong.


Kung tutuusin, maliit na bagay ‘yung mamahagi tayo ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles sa isang tao o pamilya o sa sinumang kabarangay o kapitbahay natin, lalo na kung tayo ay mas nakaaangat sa kanila sa panahong ito. Napakarami na nang naghihirap dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay. Ang maliit na bagay para sa ating mas nakakaangat ay malaking tulong para sa mga nagugutom nating kababayan natin.


Kaya’t uulitin lang natin — mas malaking tulong pa ang maaaring maipahatid sa mga Pilipinong naghihirap ngayon, kung susuportahan ng gobyerno at ng business sector ang bayanihang ito sa mga community pantry.


Partikular na makatutulong sa community pantries ang mga negosyante ng pagkain o ang ating mga food manufacturers. Kahit paunti-unting tulong lang na maiaabot ninyo ay marami nang makikinabang. Maaari ninyong sadyain ang community pantries sa mga lugar kung saan naroon ang pinakamahihirap nating mga kababayan.


At pakiusap muli sa ilang sektor, kung ayaw ninyong tumulong, iwasan na lang ninyong tumuligsa sa magandang layunin at hangarin ng community pantries.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page