ni Mary Gutierrez Almirañez | April 24, 2021
Nagpatupad na ng guidelines ang lokal na pamahalaan ng Quezon City hinggil sa mga dinarayong community pantries sa iba’t ibang lugar sa lungsod. Ito'y upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Ayon sa inilabas na memorandum ng lungsod, kailangang makipag-coordinate muna ang organizer sa barangay para mabigyan sila ng written notice. Nakasaad sa notice ang pangalan ng responsable sa pantry at ang magiging lokasyon nito.
Kailangan ding sumunod sa health protocols ang mga staff ng pantry, partikular na ang ‘no face mask, no service’ policy.' Mahigpit ding oobserbahan ang one-meter distance o social distancing.
Lilimitahan din mula alas-5 nang madaling-araw hanggang alas-8 nang gabi ang operasyon ng pantry. Higit sa lahat, dapat ay sariwa at malayo pa sa expiration date ang mga ihahandang pagkain.
Ang mga nabanggit na guidelines ay mula sa napagmitingan ng bawat departamento sa Kyusi kasama si Maginhawa Community Pantry Organizer Anna Patricia Non.
Paliwanag pa ni Mayor Joy Belmonte, "While reiterating the city’s full support for such endeavors that promote the spirit of 'bayanihan' to overcome difficulties due to the COVID-19 pandemic... Law enforcement shall refrain from intervening except in cases of manifest breach of health or safety protocols."
Sumang-ayon naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño sa pagpapatupad ng koordinasyon sa pagitan ng organizer at barangay upang maiwasan ang mahabang pila, katulad ng nangyari sa inorganisang community pantry ng aktres na si Angel Locsin, kung saan isang senior citizen ang namatay.
“Dahil talagang maraming nangangailangan lalung-lalo na ‘pag nai-announce mo 'yan, meron mang stub o wala, talagang magpupuntahan at magbabaka-sakali. Kung nand'yan ang ating mga barangay tanod, tapos meron tayo sa Quezon City na Task Force Disiplina, papauwiin na natin 'yung hindi talaga mabibigyan,” giit pa ni Diño.
Comments