ni Lolet Abania | March 30, 2022
Itinalaga si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Aimee Ferolino bilang head ng inter-agency task force na mag-iimbestiga sa mga reports ng vote-buying. Ito ang inanunsiyo ni Comelec Commissioner George Garcia ngayong Miyerkules, kung saan si Ferolino ang mamumuno ng Task Force Kontra Bigay, at naatasan din siya na mag-draft ng karagdagang guidelines hinggil sa mga ulat ng vote-buying.
“Si Commissioner Aimee Ferolino po ang naitalaga na head o [chairperson] ng Task Force Kontra Bigay. Therefore, siya ang magpapatawag agad ng meeting ng task force, magda-draft ng necessary additional guidelines,” pahayag ni Garcia sa mga reporters.
“At the same time, magpapatupad ng mandato nitong Comelec mandate either to moto propio or accept complaints patungkol sa vote buying,” sabi pa ng opisyal. Ayon kay Garcia, ang Comelec en banc ang nagdesisyon para i-designate si Ferolino na siya anila, ang kuwalipikado para sa posisyon dahil sa kanyang karanasan.
“It is actually the en banc ... Una, si Commissioner Ferolino ay napakatapang na commissioner. Pangalawa, siya po ang vice chairman ng ating gunban at security personnel exemption, at Pangatlo, siya rin ay ang [chairperson] ng iba’t ibang committee tulad ng shipping, at lalo na ‘yung kanyang karanasan sa field,” giit ni Garcia.
“Si Commissioner Ferolino ay dating nagsilbi as a field personnel mula field official natin bago siya natalaga dito sa Comelec, ‘yung kanyang karanasan pagkatapos nu’ng kanyang tapang ‘pag pinagsama-sama mo ‘yan ay napakagandang ingredient para sa pagiging chairman ng Task Force para sa Kontra Bigay,” paliwanag pa ni Garcia.
Una nang sinabi ni Garcia na ang Task Force Kontra Bigay ay bubuuin ng maraming mga ahensiya, kabilang dito ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang Philippine Information Agency (PIA). Ang task force ay inaasahan para kumilos na motu proprio, gayundin sa mga pormal na mga reklamo kaugnay ng vote-buying.
Nangako naman si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na lilikha siya ng isang team na binubuo ng National Prosecution Service (NPS), NBI, Public Attorney’s Office (PAO), at ang DOJ Action Center para asistihan ang task force.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, sinumang indibidwal na napatunayang nagkasala ng election offense ay dapat parusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa ng isang taon subalit hindi hihigit sa anim na taon.
Gayundin, ang mapapatunayang guilty ay pagkakaitan ng karapatang bumoto at ipagbabawal na humawak sa public office, at anumang political party na mapapatunayang nagkasala ng vote-buying ay pagmumultahin.
Comments