ni Lolet Abania | May 8, 2022
Handang-handa at full alert na ang buong puwersa ng seguridad ng Pilipinas at Commission on Elections (Comelec) para sa Halalan 2022 bukas, Mayo 9, 2022.
Ngayong Linggo, maraming dumalo na mga Comelec commissioners at mga opisyal ng security forces ng bansa sa ginawang walkthrough inspection ng Philippine International Convention Center (PICC), kung saan ang National Board of Canvassers (NBOC) ay nakatakdang mag-convene sa Lunes.
Kabilang sina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioner George Garcia, Spokesperson Director John Rex Laudiangco, Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Vicente Danao Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Andres Centino, at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Artemio Abu na nakiisa sa naturang inspeksyon.
Sa ginanap na press briefing, tiniyak ni Danao na mayroong 225,000 PNP personnel ang nakakalat at handang magsilbi para siguruhin at i-secure na tama at patas ang magaganap na eleksyon.
Gayundin, inanunsiyo ni Danao ang pagpapatupad ng nationwide total liquor ban, na epektibo ito noon pang Sabado nang gabi, Mayo 7 hanggang Lunes, Mayo 9.
Nagbabala naman ang PNP OIC sa mga susubok na magsagawa pa ng campaign activities ngayon dahil aniya, kanila itong huhulihin.
Binanggit naman ni Centino na ang AFP personnel ay full alert na rin, kabilang ang kanilang naval at air assets na handa na para sa May 9 elections.
“I have reminded our troops deployed all over the country to always remain non-partisan and neutral. And we assure the public that all our troops are on full alert as we have declared this full alert status yesterday. We will be ready with all our resources. Air and naval assets have been made available, and we are at this point- implementing the plans we prepared way before the election campaign,” ani Centino.
Sinabi naman ni Abu na ang Coast Guard ay handa na rin para tiyakin ang pagkakaroon ng ligtas na eleksyon.
“The guiding principle of the Comelec will be to protect the sanctity of the vote by all means and in whatever circumstances. Together with our partner agencies, the PNP, AFP, PCG, DepED, and other government agencies, we are going to pursue this to the end,” pahayag ni Pangarungan.
Comments