ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 4, 2025
TODA PARTYLIST, DAPAT SUPORTAHAN NG 1.5M MEMBERS NG TODA AT HINDI PARTYLIST NG MGA TRAPO AT KONTRAKTOR -- Sa data ng Land Transportation Office (LTO) noong year 2022 ay nasa higit 1.2 million ang nakarehistrong tricycle sa buong bansa, pero ang nakalulungkot isipin na ang partylist na nagri-represent sa kanilang sektor, ang TODA partylist ay hindi nagwagi last 2022 election kasi nakakuha lang ito ng botong higit 173K votes.
Ang dahilan kaya higit 173K votes lang ang nakuha ng TODA partylist ay dahil majority ng mga tricycle driver and operators, ang ibinoto ay ‘yung mga partylist na wala namang pakialam sa kanilang sektor, na maaaring ang ibinoto pa ng mga iyan (tricycle drivers and operators) ay partylist ng mga trapo (traditional politicians) at mga kontraktor na wala namang paki sa mga member ng TODA.
Ang nais nating ipunto rito, sa darating na May 12 midterm election, dapat ang pagkaisahang iboto ng mga miyembro ng TODA ay ang totoong nagri-represent sa kanilang sektor at ito ay ang TODA partylist, at ibasura na ang partylist ng mga trapo at kontratista na wala namang paki sa mga miyembro ng TODA sa buong bansa, period!
XXX
ANTI-POLITICAL DYNASTY DAW SI COMELEC CHAIRMAN GARCIA, PERO PINAYAGAN NIYANG KUMANDIDATO ANG MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ POLITICIANS -- Ayon kay Comelec Chairman George Garcia ay kontra raw siya sa political dynasty.
Kung totoong anti-political dynasty si Garcia, eh bakit pinayagan niyang sabayang kumandidato ang mga magkakapamilyang pulitiko, mag-asawa, mag-ama, mag-ina, magkakapatid na pulitiko at mga partylist na ang mga nominado ay may mga kapamilyang senador?
Nasa 1987 Constitution naman, sa Artikulo II, Seksyon 26 ay may nakasaad dito na ganito... “Dapat siguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal, ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas,” pero ang ginawa ni Garcia pinayagan niyang kumandidato ang mga “Kamag-anak Inc.” politician at mga partylists na ang mga nominado ay may mga kapamilyang senador, tapos ibibida niyang anti-political dynasty daw siya, pwe!
XXX
PARA MATIGIL ANG ‘TARA SYSTEM’ DAPAT SIBAKIN ANG LAHAT NG MGA MAY TAHID NA OPISYAL SA CUSTOMS -- Sa mga nakaraang pagdinig sa Quad Committee ng Kamara ay nabulgar ang patuloy na “tara system” o payola system sa mga high ranking official ng Bureau of Customs (BOC).
Ang sabi nga ni detenidong former Customs Intelligence Officer Jimmy Guban ay matagal nang kalakaran sa Customs ang "tara system" para wala nang sitahan ang mga epektos o kargamentong ipinupuslit sa Adwana ng mga smugglers, kabilang ang ini-smuggle na mga shipment ng shabu.
Kung nais ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) matigil na ang kalakarang “tara system,” isa lang ang dapat niyang gawin at ito ay sibakin sa puwesto ang lahat ng mga may tahid na Customs officials at palitan sila ng mga “rose from the ranks” na mga BOC official na walang bahid ng “tara system,” period!
XXX
SINUPALPAL NI TV HOST KARMINA CONSTANTINO SI FORMER SENATE PRES. TITO SOTTO -- Supalpal ang inabot ni former Senate President Tito Sotto kay TV host Karmina Constantino ng “Harapan” ng ABS-CBN network.
Tanong kasi ni Karmina kay Tito Sotto kung bakit kakandidato uli siyang senador, na sinagot ng dating senador na kesyo may mga gusto pa raw siyang nais iambag sa Senado, at ang panunupalpal na ginawa sa kanya ng TV host ay kung bakit daw sa loob ng halos 30 taong pagiging senador nito ay hindi pa ginawa ang mga nais niyang iambag.
Sa totoo lang, sa 30 years na senator ni Tito Sotto ay wala pa namang nagmarka sa isipan ng mamamayan na may nagawa siyang batas na napakinabangan ng mahihirap na mamamayang Pinoy, boom!
Comentarios