top of page
Search
BULGAR

Colorum “pasabay service” pa-probinsiya, ‘di titigil hangga’t kaunti ang provincial bus

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 13, 2021


Dahil nananatiling limitado ang mga bus na may biyaheng pa-probinsiya, marami tayong kababayan ang hirap humanap ng masasakyan.


Ang siste, kani-kanyang diskarte para makarating sa pupuntahan. Halimbawa ng mga pasaherong papuntang Tarlac, napipilitang bumaba sa bayan ng Dau sa Pampanga at doon maghahanap ng ibang masasakyan dahil Pampanga na lang ang natirang probinsiya na may biyahe sa Araneta City Bus Station sa Quezon City, na kilala sa malayong ruta sa southern Luzon at Visayas.


Ang iba naman, sa social media naghahanap ng masasakyan mula sa mga colorum, habang ang iba, may alok pang sasagutin na rin ang travel documents ng biyahero.


Gayunman, depende sa layo ang presyo, pero mas mahal ito kaysa sa pagsakay ng bus at sa labas ng bus station at paligid ng isang mall ang meet-up location, bagay na ikinabahala naman ng manager ng bus station.


Aniya, ginagamit pa umano ang istasyon para gawing pick-up point kaya sa halip na tumuloy ang pashero, nahahatak ng mga ito.


Gayunman, habang tuluy-tuloy ang panghuhuli sa mga colorum na sasakyan, umapela ang Provincial Bus Operators of the Philippines (PBOAP) na payagan silang magbukas ng linya at kasabay nito ang pangako na susunod sila sa health protocols.


Matatandaang higit kalahati pa lang ang ruta ng mga provincial bus na nakakabiyahe ngayon kumpara noong bago ang lockdown noong Marso, 2020.


Pinaplano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung paano mapabibilis ang proseso ng pagbubukas ng linya, pero nakasalalay pa rin umano sa LGU ang pagtanggap ng mga provincial bus mula sa Kamaynilaan.


Kung tutuusin, no choice lang naman ang mga tumatangkilik ng pasabay services na ito, kaya pakiusap natin sa mga kinauukulan, pakibilis-bilisan ang paghanap ng solusyon. Mahirap kasi ‘yung puro tayo pagbabawal at panghuhuli pero wala naman tayong ginagawang paraan para matigil ang ganitong gawain.


Ang ending niyan, mamamayan ang gagawa ng paraan para makabiyahe kahit alam nilang bawal.


Kung gusto nating maisaayos ang ganitong bagay, pag-aralang mabuti kung ano ang mga dapat at hindi dapat ipatupad. Gayundin, panawagan sa mga lokal na pamahalaan, makiisa tayo at magkaroon ng konsiderasyon para sa ating mga kababayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page