top of page
Search
BULGAR

College Students, gawing tutor para sa Remedial Program

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 27, 2022



Sa pagpapatupad ng learning recovery program na tutugon sa learning loss o pag-urong ng kaalaman sa gitna ng COVID-19 pandemic, iminumungkahi ng inyong lingkod na gawing tutor ang ating mga mag-aaral sa kolehiyo.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na inihain natin noong nakaraang taon, maaaring magboluntaryo bilang tutor ang mga mag-aaral sa kolehiyo.


Ituturing na pagkumpleto nila ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP) ang pagboluntaryo bilang tutor sa panukalang ARAL Program.


Maliban sa grade requirement, kailangang makapasa ang mga naturang mag-aaral sa mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd). Ang mga guro at para-teachers ay maaari ring magsilbing tutor sa panukalang ARAL Program.


Ipinanukala natin bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang pagkakaroon ng ARAL Program upang magbigay ng learning intervention dahil sa kawalan ng face-to-face classes. Bahagi ng naturang programa ang mga tutorial sessions. Bibigyan ng prayoridad sa programang ito ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa mga Grade 3 hanggang Grade 10. Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, numeracy at literacy skills naman ang bibigyang-pansin.


Ang mga mag-aaral na nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science ang bibigyang-prayoridad ng panukalang ARAL Program. Nais ding tulungan ng programa ang mga mag-aaral na hindi nag-enroll noong School Year (2020-2021) upang hikayatin din silang bumalik sa paaralan.


Matapos ang mahigit isang taong hindi pagpasok ng mga mag-aaral sa kanilang paaralan, isinagawa ang pilot implementation ng limited face-to-face classes noong Nobyembre 2021.


Sinimulan ang pilot run sa Metro Manila noong Disyembre. Ngunit muli ngang sinuspinde ang face-to-face classes sa mga lugar na ibinalik sa Alert Level 3 dahil sa muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19. Mainam ding inanunsiyo kamakailan ng DepEd na magpapatupad ito ng programa para sa learning recovery dahil sa kawalan ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya.


Kaya naman, sa pagbangon ng sektor ng edukasyon ay higit nating kinakailangan ang tulong ng ating mga komunidad, kabilang ang mga mag-aaral sa kolehiyo. Dahil sa lawak ng naging epekto ng pandemya sa sektor ng edukasyon, dapat palawigin ang ating mga pagsisikap upang maabot natin ang mas maraming kabataang mag-aaral.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Komentarze


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page