ni Thea Janica Teh | August 30, 2020
Pormal nang binuksan ang Coastal road sa Sorsogon City ngayong Linggo. Ito ay malaking tulong sa mga mamamayan para maiwasan ang trapiko at maprotektahan ang komunidad sa storm surge, ayon sa Department of Public Works and Highways.
Maaari nang daanan ang 4-lane Sorsogon City Coastal Road na may habang 5.52 kilometers mula Rompeolas hanggang Barangay Balogo.
Madadaanan sa coastal road ang ilang barangay sa Sorsogon tulad ng Sirangan, Sampaloc at Balogo. Ayon kay Public Works Secretary Mark Villar, ito ay kumokonekta sa kalsada ng mga barangay Pangpang, Tugos, Cambulaga at Talisay.
Dahil sa malalakas na bagyong dumadaan sa Bicol region, makatutulong din ang coastal road na ito upang mabigyang proteksiyon ang komunidad mula rito ayon kay DPWH undersecretary for Luzon operations Rafael Yabut.
Bukod sa smooth ride, matatanaw din ang magandang view ng Sorsogon sa pagbiyahe rito. Ito rin ay itinuturing na “grandest” project sa ilalim ng “Build, build, build Program” ng gobyerno sa Bicol region.
Comentários