ni Lolet Abania | May 2, 2022
Inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ngayong Lunes na kahit na mga naging close contacts ng indibidwal na nagpositibo sa test sa COVID-19 ay dapat na manatili sa tirahan at iwasan ang lumabas sa panahon ng May 9 elections.
Sa isang radio interview, tinanong ang opisyal kung ang mga miyembro ng pamilya ng isang nag-COVID-19 positive ay puwedeng lumabas at bumoto sa Election Day, ani Duque, “Hindi. Kung meron naka-isolate, dapat let them stay in where they are kasi kasama ‘yan sa ating Disease Notifiable Act of 2021 or RA 11332.”
“Kung may sakit, naka-isolate ka, let them stay. Hindi puwedeng palalabasin mo tapos magkakalat. Hindi naman tama ‘yun from a public health point of view,” dagdag niya.
Giit ni Duque, kahit na ang mga miyembro ng pamilya ng isang nag-COVID positive ay dapat na ipagpalagay o i-assume na na-contract na nito ang virus dahil sa magkasama sila sa bahay at ang Omicron variant ay mas nakahahawa kumpara sa Delta variant.
Samantala, ang Commission on Elections (Comelec) ay nananatili sa naging pahayag na ang mga COVID-19 positives at kahit na iyong may mga sintomas ng COVID-19 sa Election Day ay papayagan na bumoto sa mga isolation polling precincts.
“May posibilidad din po na ‘yung mismong may findings na, na talagang COVID-19 positive ay nakalabas ng bahay o isolation facility kung saan siya nando’n, wala tayong magagawa kundi pabotohin sila,” paliwanag ni Comelec Commissioner George Garcia sa isa ring interview.
Gayunman, ayon kay Duque, ang naturang isyu ay pag-uusapan pa rin kasama ang Comelec para sa tinatawag na “fine-tuning” na kung ikokonsidera, ito ang unang pagkakataon na ang bansa ay magsasagawa ng eleksyon sa gitna ng pandemya.
Comments