top of page
Search
BULGAR

Chua at Raga, nanaig kina 'Bata' at 'Django' sa Scotch Doubles

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 12, 2021




Tila nagpapahiwatig ang tambalan nina Johann “Bad Koi” Chua at Anton “The Dragon” Raga na panahon na para akuin nila ang pagdadala ng sulo ng Philippine billiards matapos nilang daigin noong Sabado ang mga alamat na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante sa dalawang araw na Sharks 9-Ball Showdown: Scoth Doubles na ginanap sa Quezon City.

Sa umpisa ng salpukang may tuntuning unahan sa 50 panalo, tila hindi kumukupas ang makinang na rekord nina Reyes at Bustamante. Ang dalawang cue artists mula sa Gitnang Luzon ay parehong dating world 9-ball champions. Nagsanib-puwersa rin ang dalawa para ibigay sa Pilipinas ang isang World Cup of Pool na titulo. Umusad sila sa 25-20 at 30-25 na kalamangan kontra kina Chua at Raga.

Pero nakaratsada ang mga mas nakababatang pares at dumikit, 32-33, hanggang sa makalamang na sila, 45-40, 48-42. Ipinako nina Chua, dalawang beses na naghari sa Japan Open, at Raga, runner-up ng malupit na China Open, ang panalo laban sa mga Billiards Congress of America Hall of Famers sa iskor na 50-43.

Samantala, nararamdaman ang husay sa pagtumbok ni Jeffrey "The Bull" De Luna matapos makuha ng Pinoy ang kampeonato ng March leg ng Predator Sunshine State Tournament sa Okala, Florida.

Ito na ang pangalawang korona ni De Luna ngayong taong ito dahil siya rin ang nagwagi sa February stop ng torneo sa North Lakeland, Florida. Pang-apat na rin ito sa mga podium finishes na naiposte ng 37-taong-gulang na Pinoy ngayong 2021 sa panahon ng pandemya. Kamakailan ay pumangatlo siya sa Michael Montgomery Memorial 10-Ball Mini (Frisco, Texas) gayundin sa Rack N Grill 9-Ball Shootout (Augusta, Georgia).


Sa pinakahuling salang ni "The Bull" sa kompetisyon, sinagasaan niya sina Jodi Rubin, Francisco Serrano, Benjie Estor at CJ Wiley upang makasampa sa semifinals ng winners' bracket kung saan naghihintay sa kanya si David Singleton. Isang 7-4 na panalo ang nasaksihan para sa kanya kaya nakausad siya sa hotseat match laban kay Anthony Meglino. Dito, magaang idinispatsa ni De Luna si Meglino, 7-3, kaya nasementuhan niya ang kanyang upuan sa finals.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page