@Editorial | July 16, 2021
Hulyo pa lang pero, nagpaparamdam na ang Christmas-level na trapik sa EDSA.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), malapit nang matulad sa naranasang 2019 Yuletide traffic ang sitwasyon ngayon sa EDSA.
Kung saan, malapit na umanong umabot sa 400,000 sasakyan kada araw ang gumagamit ng EDSA. Ang binanggit na datos noong 2019 ay kasabay pa ng Kapaskuhan, eh, Hulyo pa lang.
Isa sa mga binanggit na dahilan ay ang pagpapaluwag sa quarantine restrictions — mas marami na ang pinapayagang lumabas at nagbalik-trabaho.
Kaya pinag-aaralan na rin ang pagbabalik ng number-coding scheme.
Inaayos na rin ang Mabuhay Lanes, ito ‘yung 19 na ruta na maaaring daanan bilang alternatibo sa EDSA at naglagay na ng mga bagong karatula para hindi malito ang mga motorista.
Higit sa lahat, dapat ding masiguro ng mga awtoridad na talagang madadaanan nang maayos ang Mabuhay Lanes.
Unang-una, kailangan ang koordinasyon sa mga barangay dahil mapapansing maraming kalsada ang may mga tolda at iba pang harang na ginamit dahil sa pandemya.
Ganundin ang mga kalsada na ginagawang parking, tindahan at tambayan.
Kakailanganin talagang magsagawa ng clearing operation para lumuwag ang mga kalsada.
Sa dami ng sasakyan, talagang kakabit na nito ay matinding trapik, sasabayan pa ng mga pasaway sa batas-trapiko.
Kaya huwag kalimutang magbaon palagi ng disiplina at mahabang pasensiya kung bumibiyahe. Hindi lang ito para sa mga motorista kundi maging sa mga nagko-commute. ‘Ika nga, bumabalik na ang normal na daloy ng trapiko.
Comments