ni Lolet Abania | December 13, 2020
Nagbabahay-bahay na ng pamimigay ng pamaskong handog sa bawat pamilya ang lokal na pamahalaan ng Pasig City. Ayon sa Pasig City information office, sa ginawang distribusyon, hinihingi lamang nila ang kailangang PasigPass QR code sa bawat pamilyang residente ng siyudad at proof of identity.
"Kung may tatlong pamilya sa isang bahay, tatlong PasigPass QR code (isa kada pamilya) ang kailangang ipa-scan, at tatlong Pamaskong Handog packs ang matatanggap," ayon sa Facebook post ng opisina ng Pasig City.
“Ang simpleng handog na ito ay taos-pusong pasasalamat sa inyong pakikiisa sa mga program ng lokal na pamahalaan at sa ating patuloy na laban kontra COVID-19," sabi ni Mayor Vico Sotto.
Matatandaang sinimulan ang programang ito ng lungsod noong December 5, kung saan maaaring magpunta sa barangay hall para makapagparehistro at makapagpa-print ng PasigPass QR code o bisitahin na lamang ang kanilang website.
Sa ngayon, araw-araw nang naglalabas ng iskedyul ng pamamahagi ng Christmas packs na may kasamang grocery items sa Pasig City. Nakahiwalay naman ang pamimigay sa mga condominium sa nasabing lugar.
Commenti