ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 14, 2022
Halos 100 mga kalahok na hoop players ang sumubok sa national tryouts ng Chooks-to-Go 3x3 basketball kung saan kinabibilangan ito ng celebrity actor-athlete na si Gerald Anderson bilang bahagi ng paghahanap ng bagong manlalaro para isabak sa FIBA 3x3 2023 season na idinaos sa Activate Hoop Arena sa Pioneer St., Mandaluyong City kahapon.
Sa pamamahala nina coach Chico Lanete at Serbian coach Milan at sa pagtataguyod ni CTG president Ronald Mascarinas, hinati-hati sa ilang grupo ang players para isalang sa tryouts.
Mula sa ilang magkasunod na dibisyon ng game ay masusi na silang pinagpipilian ng Serbian coach na siyang itinalaga upang kumuha ng may potensiyal at talented na manlalaro na karamihan ay ngayon lamang niya nakita dahil ang mga ito ay pawang walk-ins o mga una nang nagparehistro mula pa sa iba't ibang dako ng Metro Manila at mga lalawigan.
Matapos ang dalawang oras na paglalaro ay pinal nang pumili ng 7 players at nakabilang dito si Anderson. Huling naglaro ang aktor sa dalawang legs ng liga para sa team ng Marikina noong nagdaang dalawang taon pa sa 2019 Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 President’s Cup.
"I remember those games were very intense, very high-paced,” ayon sa masigasig na 33-anyos na actor-cager. “Naalala ko after no’n, talagang nabitin ako sa laro kaso na-busy na ako with my other commitments then the pandemic happened. Now, it’s good to be back.”
Ayon naman coach Chito Lanete, mas marami pa raw sana ang lalahok sa tryouts kung hindi lang nagkakasabay ngayon ang mga malalaking liga na pinagbibidahan ng mga mahuhusay at may potensiyal na players na puwedeng isabak sa international competition.
Para naman kay Serbian coach Milan, ipinangangako niyang sa maigsing panahon na magagabayan niya ang mga napiling players para maglaro sa Pilipinas team 3x3 ay tagumpay nilang maiuuwi ang pinakamataas na podium finish na ilang ulit ding bigong makamit ng bansa.
Comments