ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Mar. 17, 2025
Dear Doc Erwin,
Ako ay 40-anyos, may asawa at nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya. Masugid akong tagasubaybay ng BULGAR newspaper at ng inyong column.
Hindi ako umiinom ng alak at walang diabetes. Maingat ako sa aking kalusugan ngunit kamakailan ay na-diagnose ako na mayroong fatty liver disease. Ito ay ayon sa ultrasound na isinagawa kasabay ng aming annual physical examination sa aming kumpanya.
Dahil dito ay pinapainom ako ng aming company physician ng Choline supplement at pinapakain ng pagkain na mayaman sa Choline. Nais ko sanang malaman ang kahalagahan ng Choline sa aking kalusugan at papaano ito makakatulong sa aking fatty liver disease. Anong mga pagkain ang dapat kong kainin upang makakuha ng sapat na Choline para sa aking sakit na fatty liver disease? Maraming salamat at sana‘y matugunan n‘yo ang aking mga katanungan. — Jose Antonio
Maraming salamat Jose Antonio sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Maraming uri ng fatty liver disease. Dahil ikaw ay hindi umiinom ng alak, maaaring ang iyong sakit ay tinatawag na “nonalcoholic fatty liver disease”. Ang sakit na ito ay dahil sa build up ng excess fat sa iyong atay (liver). May iba’t ibang kadahilanan kung bakit ito nangyayari, katulad ng diabetes kung saan mataas ang blood sugar level. Maaari rin na ito ay dahil sa iyong diet o kaya ay dahil sa genetic disease.
Ayon sa National Institute of Health ng bansang Amerika, ang nonalcoholic fatty liver disease ay karaniwang isang “silent disease” o walang sintomas at walang specific na approved na gamot para rito. Ngunit inirerekomenda ng mga doktor ang pagbabawas ng timbang (weight loss) at healthy diet upang mabawasan ang taba, inflammation at fibrosis sa atay.
May kinalaman kaya ang ating diet sa pagkakaroon ng fatty liver disease? Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa mula sa Nutrition Research Institute ng University of North Carolina, ang mga taong may kakulangan sa Choline sa kanilang kinakain ay nagkakasakit ng fatty liver disease. Ayon din sa kanila, ang mga laboratory animals na kulang sa Choline ang kinakain ay nagkakaroon ng fatty liver disease, fibrosis at cancer sa atay. Ang research na ito ay mababasa sa scientific journal na Current Opinion in Clinical Nutrition and Metabolic Care na nailathala noong May 2013.
Ayon pa rin sa nabanggit na research ng University of North Carolina, kinakailangan na kumain tayo ng mga pagkain na mayaman sa Choline dahil kailangan ito ng ating katawan sa pagbuo ng cellular membranes ng ating cells, lipoproteins, bile at surfactants at ng mga neurotransmitters. Importante rin ang Choline sa kidney function at mitochodrial function.
Ang recommended na adequate intake ng Choline ay 550 milligrams (mg) bawat araw. Ayon sa Framingham Offspring Study at iba pang mga pag-aaral, maaari itong mag-range mula 150 mg hanggang 500 mg bawat araw. Ito ang kinakailangan natin na dami ng Choline araw-araw mula sa ating kinakain o mula sa supplement upang makaiwas magkaroon ng fatty liver disease.
Ang mga pagkain na mayaman sa Choline ay itlog, atay ng baka, manok, isda, soybeans, sunflower seeds, quinoa at kidney beans. Maaari ring makakuha ng Choline mula sa gatas at yogurt.
May Choline supplements din na mabibili sa mga botika at online stores. May ibang supplements din na puwedeng inumin na may lamang Choline, ito ay ang Phosphatidylcholine, at Lecithin. Sumangguni muli sa iyong doktor kung iinom ng mga nabanggit na supplements upang mabigyan ng payo kung paano ito iinumin at ang tamang dose.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments