ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | February 05, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay regular na tagasubaybay ng inyong kolumn at araw-araw kong inaabangan ang BULGAR.
Ang katanungan ko ay tungkol sa traditional Chinese herbal medicine na tinatawag nilang Antrodia mushroom. Iminungkahi ng kakilala kong herbalist na uminom ako nito ng regular para sa aking high blood pressure.
Ano ang mga health benefits ng Antrodia mushroom? Makatutulong kaya ito sa aking high blood pressure? - Maria Lourdes
Sagot
Maraming salamat Maria Lourdes sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.
Ang Anthrodia camphorata ay kilala bilang Antrodia mushroom o stout camphor fungus. Ito ay karaniwang tumutubo sa puno ng Bull camphor tree na makikita lamang sa kabundukan ng Taiwan at ginagamit ng mga katutubo bilang traditional medicine upang gamutin ang iba’t ibang sakit. Ang paggamit ng Antrodia mushroom ay kumalat sa mainland China at naging parte ng Chinese traditional medicine upang ipanggamot sa mga sakit sa atay, pagkalason sa pagkain at gamot, sakit ng tiyan, sa altapresyon (high blood pressure) at pangangati. Sumikat ito at sinimulan ng mga scientists ang mga pag-aaral sa mga health benefits nito. Naideklara rin ito ng Taiwan bilang rare species at mamahalin.
Sa Taiwan ay kilala ito bilang Niu-chang-chih, Chang-chih o Chang-ku. Pinaniniwalaan ng mga ninuno sa Taiwan na ito ay regalo ng kalangitan sa mga Taiwanese ay tinawag nila itong “ruby in mushroom”. Ayon sa kanilang paniniwala, bukod sa magagamot nito ang mga sakit na dulot ng pag-inom ng alak, tumor at iba pang sakit ay nagpapalakas ito ng katawan at nagpapahaba ng buhay.
Ayon sa mga research studies, may 78 compounds na makikita sa Antrodia mushroom, tulad ng terpenoids, lignans, benzenoids at iba pa. Dahil sa composition na ito, pinaniniwalaan ng mga scientists na mayroon itong anti-inflammatory at antioxidant effects.
Sa review study na inilathala noong January 2011 sa Evidence-Based Complementary and Alternative Medicine journal, may ilang pharmacological effects ang mga compounds galing sa Antrodia mushroom. Isa na ang anti-cancer effects nito.
Ayon sa mga in vitro at in vivo studies na isinagawa ay may anti-cancer effects ito laban sa breast cancer, prostate cancer, cervical cancer, leukemia, lung cancer, liver cancer at sa pagkalat ng mga cancer cells sa katawan. Tumutulong din ang mga compounds sa Antrodia upang lalong maging epektibo ang ilang chemotherapy agents.
May mga pag-aaral din na nagpakita ng anti-inflammatory at immunomodulatory effects ng Antrodia mushroom. Gayundin, naipakita na epektibo ito laban sa Hepatitis B virus at pinoprotektahan nito ang atay (hepatoprotective effect).
Sa mga paunang pag-aaral ay nakitaan ng antihypertensive effect ang Antrodia. Nagpapa-relax din ito ng mga blood vessels kaya pinaniniwalaang ito ay epektibo upang mapababa ang blood pressure. Ito ang kasagutan sa iyong tanong kung makatutulong ang Antrodia mushroom sa pagpababa ng iyong blood pressure.
Sa larangan naman ng sports at physical fitness ay ginagamit ang Antrodia mushroom bilang pampalakas at pampadagdag-enerhiya sa pag-e-exercise (bilang pre and post workout support).
Tulad ng pagkain at mga gamot, anumang bagay kapag sobra ay maaaring makasama sa ating kalusugan. Dahil ang Antrodia ay itinuturing na food supplement, sundin lamang ang recommended dose na itinakda ng gumawa nito. Sumangguni rin sa doktor kung may iba pang gamot na iniinom upang maiwasan na magkaroon ng drug interaction.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments