ni Mai Ancheta @News | July 28, 2023
Pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na maglunsad din ng war games ang Pilipinas at China sa kabila ng mainit na usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner, ang ideya ng posibleng military exercises sa China ay inilutang sa kanya ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa ginanap na 96th anniversary ng People's Liberation Army ng China na ginanap sa isang hotel sa Mandaluyong City.
"Well, they offered us that prospect but we'll have to study further. They said they submitted some white papers so we'll have to study it first," ani Brawner.
Kailangang mapag-aralang mabuti aniya ang mungkahi ng China lalo na at mayroong isyu ng iringan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Sinabi ng AFP Chief na sinusunod nila ang polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na "friends to all, enemies to none", kaya sinisikap nilang maayos ang relasyon ng armed forces sa lahat ng bansa sa mundo upang maiwasan ang digmaan.
Matatandaang katatapos lamang ng joint military exercises ng Pilipinas at Amerika sa bansa kung saan naging guest observer ang ilang mga kaibigang bansa ng Pilipinas.
Comments