ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 25, 2025
Photo: Willie Revillame - Will to Win
Marami ang nakakapansin na hindi gaanong seryoso si Willie Revillame sa kanyang pagtakbo bilang senador sa darating na midterm elections.
‘Yung ibang kandidatong senador, halos hindi na magkandaugaga sa pag-iikot sa buong Pilipinas para mangampanya. ‘Yung iba naman ay may kani-kanyang gimik upang mapansin ng media at ng mga botante.
Importante kasi na magkaroon ng ingay at awareness sa tao ang isang kandidato upang hindi makalimutan ng mga botante.
Pero si Willie, relaxed na relaxed at chill lang. Hindi siya nagpa-panic tulad ng ibang senatoriables at hindi rin siya nababahala kung hindi siya kaalyado ng malalaking partido. Hindi pa rin siya nag-iikot sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Naisip tuloy ng mga netizens na hindi gaanong interesado si Revillame na manalong senador. Ni hindi nga ito nagpaparamdam sa kanyang mga media friends.
In short, hindi ‘atat’ na maging senador si Willie. Mas gusto pa rin niya ang magpatuloy sa pagho-host ng kanyang programang Wil To Win (WTW) sa TV5.
SA araw na ito ay gaganapin ang Imelda Papin special birthday concert sa Newport Performing Arts Theater. Magsasama sa concert na ito ang Papin sisters na sina Imelda, Gloria at Aileen. Special guests sina Maffi Carrion at Gary Cruz.
Through the years ay hindi nagbago ang magandang tinig ng Jukebox Queen na si Imelda Papin. Tinatangkilik pa rin ng mga Pinoy abroad ang kanyang mga shows.
Kasabay ng pagsikat niya ang pagkakaroon din ng singing career ng kanyang mga kapatid na sina Gloria at Aileen. Kaya naman, madalas ay nahihilingan silang kumanta o mag-perform na magkakasama. Kuhang-kuha nina Gloria at Aileen ang timbre ng boses ni Imelda.
Ang Imelda Papin special birthday concert ay mula sa direksiyon nina Gabby Ramos at Bobby Papin.
Samantala, hindi ikinahihiya ni Imelda ang kanyang pagiging loyalista sa pamilyang Marcos. Napatunayan niya ang kanyang katapatan sa panahon na dumaan sa matinding pagsubok ang Marcos Family.
Iniwan niya ang kanyang singing career, pero hindi niya ‘yun pinagsisisihan.
Ngayon ay nagagawa na ni Imelda na pagsabayin ang kanyang singing career at ang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isa sa Board of Directors ng PCSO.
Kaisa si Papin sa pagsusulong ng mga benepisyo ng maliliit na manggagawa sa pelikula at telebisyon.
PINSAN pala ni Heart Evangelista sa mother side ang Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria. Kaya naman puring-puri ni Heart si Jodi sa naging desisyon nito na bigyan ng prayoridad ang kanyang pag-aaral at pagkuha ng Master's Degree sa Psychology.
Pangarap kasi ni Jodi na makapagpatayo ng clinic na tututok sa mental health.
Sey pa ni Heart, “Jodi is a nice person. She knows what she wants. Hindi lang sa showbiz umiikot ang kanyang mundo.”
Bibihira raw sa mga artista ngayon ang kayang iwanan ang career upang ipagpatuloy ang pag-aaral.
Well, at this point of her life, nagawa na ni Jodi Sta. Maria ang mga gusto niya bilang aktres. At gusto naman niyang abutin ang pangarap niyang palawakin ang kanyang kaalaman sa aspeto ng mental health.
Nakikita niya sa henerasyon ng GenZ na maraming kabataan ang dumaranas ng matinding depression at anxiety na nangangailangan ng kalinga at pagsubaybay. Dito ngayon gustong luminya ni Jodi Sta. Maria.
MARAMING Kapuso artists ang maituturing na loyal sa GMA Network. Nandiyan sina Marian Rivera at Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, Julie Anne San Jose na 12 years nang Kapuso, habang si Barbie Forteza ay 15 years naman.
Sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix ay nagsimula bilang child stars sa GMA-7, ganoon din si Jillian Ward.
Pinakamatagal sa lahat ng artists na nanatiling Kapuso ay ang Comedy Genius na si Michael V. Twenty-eight years na si Bitoy sa GMA Network at naging bahagi ng longest-running gag show ng GMA-7, ang Bubble Gang (BG).
Bukod sa BG, si Bitoy din ang nasa likod ng tagumpay ng sitcom na Pepito Manaloto (PM). Mahigit isang dekada na itong umeere. Malaki ang tiwala ng mga big bosses ng GMA kay Michael V.. Malaki ang naiambag niya sa BG at PM bilang creative director, kaya hindi pinagsasawaang panoorin ng mga loyal nilang viewers.
Commentaires