ni Lolet Abania | February 11, 2021
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil ng implementasyon ng Child Car Seat law at ang mandatory private motor vehicle inspection, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr..
“'Yan po ang desisyon ng Presidente, binalanse po niya dahil nga sa pinagdaraanan na krisis na COVID-19,” sabi ni Roque sa Palace briefing ngayong Huwebes.
Nauna nang inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapaliban ng Child Car Seat law, kung saan ipinatigil muna ng ahensiya ang polisiya para sa pagkakaroon ng car seat sa mga batang edad 12 at pababa na nakasakay sa mga pribadong sasakyan dahil sa naantalang mga guidelines kung paano ipatutupad ito sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga industriya ng automotive, tinatayang nagkakahalaga ang child car seat ng P3,000 hanggang sa P30,000.
Nanawagan din ang mga senador para sa pagbasura sa na-roll out na 138 private motor vehicle inspection centers (PMVIC) sa buong bansa na mayroong ipinatutupad na inspection fee na P1,800 mula sa mga sasakyan na may bigat na 4,500 kgs o mas mababa pa rito.
Sakaling ang isang behikulo ay hindi makapasa sa test, kinakailangang sumailalim sa mga angkop na repairs ang sasakyan saka muling babalik sa private inspection centers, kung saan ang isang motorista ay magbabayad ng dagdag na P900 reinspection fee para makakuha ng clearance. Kinuwestiyon naman nina Senadora Grace Poe at Senador Ralph Recto ang integridad ng naturang sistema. Anila, dagdag na pahirap ito sa marami dahil sa hindi malinaw na proseso, labis na bayad na kaduda-duda at ang pagpapatupad ng polisiya na walang tamang konsultasyon sa publiko.
Comments