top of page
Search
BULGAR

Chemotherapy ng anak na may stage 4 cancer, gusto nang itigil

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 19, 2022


Dear Sister Isabel,


Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa anak ko dahil matagal na siyang may sakit. Stage four (4) na ang cancer niya sa lalamunan, gayunman, tuloy-tuloy ang kanyang gamutan, kung saan sumasailalim siya sa chemotherapy hanggang ngayon. Awang-awa na ako sa kanya dahil ang payat na payat na niya.


Tinapat na rin kami ng doktor na milagro na lang ang magliligtas sa anak ko sa kamatayan. Gayunman, patuloy na umaasa ang anak ko na gagaling pa siya, kaya gustuhin ko mang ipatigil na ang chemotherapy niya ay hindi ko magawa. Ang sabi ng doktor ay pandugtong lang ito ng buhay, pero tiyak na mamamatay din ang pasyente.


Naiisip ko na itigil na ang chemotherapy niya at iuwi na lang siya para sa bahay siya alagaan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, pero hindi ko sasabihin na wala nang pag-asa na gumaling siya.


Tama ba ang iniisip ko? Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.

Nagpapasalamat,

Florinda ng Taguig City



Sa iyo, Florinda,


Sa kaso ng anak mo, Diyos lamang ang makakatulong sa inyo. Subukan mong mag-novena sa paborito mong santo, kay Jesus Christ, Birheng Maria o sa mismong Diyos Ama. Walang imposible sa Diyos dahil ‘ika nga, prayer can move mountains.


Sa taimtim mong panalangin, sa palagay ko ay may pag-asa pa ang anak mo. Gagaling siya at sa nalalabing buhay niya sa mundo, nawa’y gamitin siya ng Diyos sa isang makabuluhang gawain na ikabubuti ng kanyang mga kapwa.


Sa palagay ko ay ‘yan ang pinakamabuti mong gawin. Gayundin, marahil ay okey lang na itigil na ang chemotherapy niya, pero bigyan mo siya ng masusustansyang pagkain para makabawi siya ng lakas at tuluyan nang gumaling.

Naniniwala akong pagmimilagruhan siya ng Diyos.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page