ni MC - @Sports | September 9, 2022
Inaasahan ni reigning ONE strawweight world champion Joshua Pacio ang libu-libong Pinoy ang susuporta sa kanyang likuran sa pagbabalik nito sa ONE cage laban kay Jarred Brooks sa muling pagtapak ng Singapore promotion sa Manila.
Naka-headline ang mainit na alitan nina Pacio at Brooks sa ONE 164 sa Disyembre 3 upang markahan ang unang kaganapan ng ONE Championship sa Pilipinas mula noong Enero 2020.
Gagawin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, sabik na si Pacio na magpakita ng isang palabas para sa inaasahang punum-punong MOA Arena. “Finally after almost two years, ONE Championship is back here in the Philippines! I’m really excited kasi the last time I fight walang audience,” ani Pacio. “At sana meron na kapag ginawa namin ang event dito sa Pilipinas,” dagdag pa nito.
Si Pacio ang nag-iisang naghaharing kampeon para sa Pilipinas sa ngayon matapos na matanggalan ng sinturon ang kanyang mga kababayan.
Kasama sa mga dating kampeon sa kamakailang kasaysayan sina Eduard Folayang (lightweight), Kevin Belingon (bantamweight), Geje Eustaquio (flyweight), at Brandon Vera (heavyweight). Si Pacio ay nagkaroon ng tatlong matagumpay na pagtatanggol sa titulo mula nang mabawi ang korona noong 2019.
Sa bigat ng pagiging huling tumatayong kampeon ng bansa sa kanyang mga balikat, layunin ng Team Lakay stalwart na suportahan siya ng kanyang mga kapwa Pilipino sa arena. “Lalo akong na-motivate kasi I’ll be defending my world title in front of my countrymen,” ani Pacio.
Komentar