ni Ryan Sison @Boses | Jan. 7, 2025
Kahit na sabihing apat na buwan pa bago ang halalan ngayong taon dapat na paghandaan ito nang husto ng ating pamahalaan.
Kaya siguro sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang paglalagay ng mga checkpoint sa buong bansa sa January 11 bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa 2025 national at local elections (NLE).
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kasabay ito ng panahon ng
pagpapatupad nila ng gun ban.
Binanggit ng opisyal na ang election period ay simula January 11 hanggang June 12. Ibig sabihin aniya ay ganoon din kahaba o katagal ang nakalatag na checkpoint natin.
Batay sa poll body ang “plain view doctrine” ang susundin sa mga checkpoint.
Nangangahulugan na kailangan lamang ng mga motorista na ibaba ang kanilang mga bintana at buksan ang mga ilaw sa loob ng kanilang mga sasakyan kapag dumadaan sa mga checkpoint.
Ayon pa sa Comelec, maaaring mag-deploy ng mga miyembro ng pulisya at militar sa mga naka-set up na checkpoint.
Gayundin, kasama na marahil sa paghahanda ng poll body ang pag-imprenta ng nasa mahigit 73 milyon na mga balota sa National Printing Office, Quezon City para sa 2025 midterm election, kung saan sinimulan ito kahapon, January 6. Habang inilabas naman ng Comelec ang ballot face template o ang itsura ng balota na gagamitin para sa overseas voting at local absentee voting.
Tama lamang na sinimulan na ng komisyon ang paghahanda para sa eleksyon sa Mayo ng kasalukuyang taon.
Kumbaga, habang maaga pa ay kumikilos na sila para makita agad anuman ang maging problema at mabilis itong masolusyunan. Hindi iyong kung kailan malapit na ay saka pa lamang gagalaw, kaya ang resulta mas lumala ang problema at hirap na hirap nang maresolbahan.
Hindi kasi biro ang mga kaganapan sa tuwing nagkakaroon ng eleksyon sa isang bansa. Napakaraming kailangang ikonsidera gaya ng peace and order, kaligtasan ng mga kandidato at mga botante, budget para sa halalan at iba pa.
Ang higit na mahalaga naman dito, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng gobyerno at mga mamamayan nang sa gayon ay maging mapayapa at maayos na maisagawa ang eleksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments