top of page
Search
BULGAR

Checkpoint, nagdulot ng traffic at pahirapang makasakay

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 29, 2021




Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang unang araw ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus Bubble ngayong umaga, Marso 29, alinsunod sa ipinatupad na bagong quarantine restrictions ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19.


Batay sa ulat, bawat checkpoints ay iniisa-isa ng mga pulis ang pagtse-check sa mga company I.D., certificate of employment, business permit at iba pang dokumento bilang patunay na puwedeng lumabas ng bahay ang ini-inspect na biyahero o kabilang sila sa authorized person outside residence (APOR).


Kaugnay nito, pahirapan ding makasakay sa mga pampublikong transportasyon dulot ng limitadong kapasidad.


Nauna nang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hanggang 50% capacity lamang ang puwede sa mga jeep, bus, taxi, UV Express, TNVS, service shuttle at tricycle.


Pinapayagan din ang operasyon ng provincial bus ngunit kailangang point-to-point lang ang biyahe at kailangang mga authorized person outside residence (APOR) lamang ang sakay. Pinahihintulutan din ang private motorcycles at pag-backride para sa mga importanteng lakad.


Samantala, ang kapasidad naman ng mga tren ay 20% hanggang 30% lamang. Simula sa Martes ay wala nang biyahe ang MRT-3. Sa Miyerkules ay hindi na rin bibiyahe ang LRT-1 at LRT-2. Sa Huwebes ay wala na ring biyahe ang PNR.


Wala namang magbabago sa guidelines ng aviation na mababa na ang bilang ng mga flights, gayundin sa maritime sector.


Paalala pa ng DOTr, sumunod sa health protocols upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.


Sa ngayon ay tinatayang 9,356 na mga pulis ang nagbabantay sa mahigit 1,000 quarantine control points na inilatag ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at ilan pang lugar na isinasailalim sa ECQ.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page