top of page
Search
BULGAR

Chebet champ sa Boston Mary, celebrity Muhlach, finisher din

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 21, 2023




Matagumpay na umulit na kampeon si Evans Chebet sa 2023 Boston Marathon noong Martes, petsa sa Pilipinas. Tinapos ni Chebet ang 42.195 kilometro sa 2:05:54, mas mabilis sa kanyang oras na 2:06:51 noong nakaraang taon.

Pumangalawa si Gabriel Geay ng Tanzania sa 2:06:04 habang isa pang Kenyan na si Benson Kipruto ang pangatlo sa 2:06:06. Sa gitna ng tagumpay nina Chebet at Kipruto ay umagaw ng pansin ang pagtapos sa ika-anim ng kanilang kababayan at alamat na si Eliud Kipchoge.

Lumabas bigla ang mga tanong sa kakayahan ni Kipchoge na maabot ang kanyang inaasam na pangatlong sunod na gintong medalya sa Paris 2024 Olympics. Kung matutuloy, si Kipchoge ay 39-anyos pagsapit ng karera at ilang buwan bago siya maging 40 sa Nobyembre.

Sa panig ng kababaihan, Kenyan din ang nanaig sa katauhan ni Hellen Obiri (2:21:38) na dalawang beses nag-uwi ng pilak sa 5,000m sa Rio 2016 at Tokyo 2020 Olympics. Sumunod sa kanya sina Amane Beriso ng Ethiopia (2:21:50) at Lonah Salpeter ng Israel (2:21:57).

May ilang mga Filipino na lumahok sa prestihiyosong karera sa pangunguna ni Norberto Lorenzo Obeso ang pinakamabilis sa oras na 3:01:21 at sinundan nina Wilber Polbos (3:02:14) at Juan Francisco Balagtas (3:07:01). Numero uno sa mga Pinay si Amanda Carpo sa 3:36:08 na dinaig sina Marissa Cayowet (3:45:00) at Sharon Pelegrino (3:43:02).

Kasama sa mga nagtapos ang artista at celebrity na si Charlene Gonzalez sa 5:07:50 ng 42km. Noong 2018 ay tinapos din niya ang Berlin at Chicago Marathon na gaya ng Boston ay bahagi ng anim na World Marathon Majors.

Natamasa na ni Kipchoge ang maghari sa Berlin, Chicago, Tokyo at London. Hinahanap pa rin niya ang una niyang kampeonato sa Boston habang hindi pa siya lumalahok sa New York.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page