ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 21, 2022
Hindi pa rin nawawala ang dominasyon ng mga mananakbong galing Kenya at nag-doble kampeonato sina Evans Chebet at Peres Jepchirchir sa pagwawakas ng ika-50 edisyon ng Boston Marathon noong Linggo. Pinangunahan ng dalawang Kenyan ang pagbabalik sa lansangan ng taunang karera sa kinagawiang petsa na pangatlong Lunes ng Abril matapos ang 2 taon.
Tinapos ni Chebet ang 42.195 kilometrong takbuhan sa oras na 2:06:51 kung saan naging matindi niyang karibal si Gabriel Geay ng Tanzania. Biglang nawala sa eksena si Geay at umakyat sa pangalawa at ikatlong puwesto ang mga Kenyan na sina Lawrence Cherono (2:07:21) at Benson Kipruto (2:07:21).
Nakuntento na lang si Geay sa pang-apat na puwesto sa oras na 2:07:53. Sinundan siya ng dalawa pang Kenyan na sina Eric Kiptanui (2:08:47) at Albert Korir (2:08:50), habang si Scott Fauble ang ika-7 at unang Amerikano na tumawid sa finish line sa oras na 2:08:52.
Pinatibay ni Jepchirchir ang estado bilang pinakamahusay na marathoner matapos magwagi ng gold medal sa Tokyo Olympics noong Agosto at sinundan ng kampeonato sa TCS New York City Marathon noong Nobyembre.
Umoras si Jepchirchir ng 2:21:01 upang talunin ng apat na segundo lang si Ababel Yeshaneh ng Ethiopia na nagtapos sa 2:21:05. Ang tanso ay napunta sa Kenyan na si Mary Ngugi (2:21:32). May 21 nakarehistrong mamayanang Pilipino na nagtapos ng karera sa pangunguna ni Conrado Bermudez na umoras ng 2:57:39. Sa panig ng kababaihan ay pinakamabilis si Donna Duque na umoras ng 3:35:48.
Comments