ni Nitz Miralles @Bida | Dec. 2, 2024
Nasa Instagram (IG) Stories ni Charo Santos ang photo nila ng inaanak niya sa kasal na sina Paul Soriano at Toni Gonzaga. Ang caption ni Charo ay: “Catch up lunch with my inaanak @celestinegonzaga and Paul.”
Dahil may mga Kapamilya fans na galit pa rin kay Toni, galit din ang reaction nila. Ang feeling nila, si Toni ang rason kung bakit nagsara ang ABS-CBN. May pagbabanta pa ang iba sa kanila na kung babalik sa ABS-CBN si Toni, bibitaw na sila sa pagsuporta.
May mga netizens naman na nag-aabang kung may mananawagang i-cancel si Charo dahil may mga ganitong panawagan kapag may Kapamilya talent na iniinterbyu si Toni.
Tama naman ang ibang mga netizens, mag-move on na ang hanggang ngayon ay may tampo kay Toni. Kung ang mga bossing ng ABS-CBN nga raw, hindi marunong magtanim ng sama ng loob, ang mga fans, hindi pa rin makapag-move on.
On the other hand, marami ang natuwa na makita sina Toni at Paul with Charo. Inisip ng mga netizens na baka may film offer si Paul kay Charo, kaya sila nagkita-kita.
Pareho ng sagot ang magkapatid na KC Concepcion at Frankie Pangilinan na, “I love you, Mama,” sa post ng mom nilang si Sharon Cuneta ng photo nila kasama ang sister nilang si Miel Pangilinan. Mga bata pa ang magkakapatid sa picture at nasa caption ni Sharon ang story behind the photo.
Sabi ni Sharon, “My present phone wallpaper, taken years ago, when all was right in my world.”
Naunang nag-comment si KC ng, “I love you, Mama,” at sumunod ni Frankie na ganu’n din ang comment.
Sa post pa lang ni Sharon at sa comment nina KC at Frankie, may mga naiyak na. Nadagdagan ang naramdamang lungkot ng mga nakabasa sa post ni Sharon sa comment ni Judy Ann Santos na, “Everything will be alright soon, my Ate.”
Hindi lang si Judy Ann ang may wish na maging maayos na ang mga anak ni Sharon, halos lahat ng comments, ganu’n ang sinabi. Ang iba, may mga words of encouragement kay Sharon at isa sa magagandang comments ay, “Please don’t allow them to grow older with animosity with each other.”
Isa pang magandang comment, “All will be well in the mighty name of Jesus. My wish is that your family and Gabby’s family will get to know each other better and treat each other as one family.”
Marami ang nag-agree sa comment na ‘yun na hindi imposibleng mangyari, lalo na’t friends na uli sina Sharon at Gabby Concepcion.
May reels si Sharon na magkasama sila ni Gabby sa airport pabalik na ng Pilipinas. Nabanggit na ni Sharon na sabay silang uuwi ng bansa. May mga nag-wish na dahil okay na sina Sharon at Gabby, sana raw, si Gabby ang maging daan para magkaayos na sina Sharon at KC (kung may tampuhan man sila).
Hindi naitanong sa mga taga-production ng Unang Hirit (UH) kung kasama pa sa morning show ng GMA-7 si Matteo Guidicelli. Wala kasi ang mister ni Sarah Geronimo sa mediacon para sa 25th anniversary ng programa.
Si Lyn Ching, wala sa mediacon dahil nasa abroad at may interview. Nabanggit din kung bakit wala si Ivan Mayrina. Hindi nabanggit kung bakit wala si Matteo o baka wala na siya sa programa at tapos na ang kontrata niya sa GMA Public Affairs.
Anyway, pangungunahan ni Arnold Clavio ang isang linggong selebrasyon at masaya itong nakabalik siya sa programa after three months dahil nga nagka-mild stroke.
Sobrang nag-iingat na si Arnold ngayon sa kanyang pagkain at sobrang naging health conscious. Gusto niyang makasama pa rin siya hanggang i-celebrate ng UH ang mga susunod na anniversary.
Mabagal pang kumilos si Arnold, mabagal maglakad dahil nagpapa-therapy pa rin. Pero, naniniwala itong babalik ang kanyang sigla dahil sinusunod niya lahat ang bilin ng kanyang mga doctor.
Ang nakalimutang itanong kay Arnold ay kung babalik pa ba siyang newscaster ng Saksi. Late na kasi natatapos ang newscast na si Connie Sison na ang solong nagbibigay ng balita.
Comments