ni Gerard Arce @Sports | September 1, 2024
Mga laro bukas (Lunes)
(Smart Araneta Coliseum)
Battle-for-Third
4 n.h. – Creamline/Cignal vs PLDT High Speed Hitters
Finals: Winner-take-all
6 n.g. – Akari Chargers vs Creamline/Cignal
Kumarga ng kanilang ika-10 sunod na panalo ang Akari Chargers patungo sa kanilang kauna-unahang pagtuntong sa championship round kasunod ng dikdikang five-set panalo sa matinding koneksyon ng PLDT High Speed Hitters na nagtapos sa 25-22, 18-25, 22-25, 26-24, 17-15, kagabi, upang maipagpatuloy ang kanilang ‘Cinderella Story’ sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Iginiya ng trifecta nina import Oly Okaro, Ivy Lacsina at Gretchel Soltones ang atake ng Akari, higit na ang pangunguna ng American spiker sa 39 puntos mula sa 35 atake 4 blocks para makuha ng kanilang prangkisa ang pinakamalaking panalo sa kasaysayan ng paglahok nito sa liga.
Kumamada rin ang dating National University Lady Bulldogs na si Lacsina ng 19 puntos, habang hindi nagpatinag sa pagsuporta ang three-time NCAA MVP na si Soltones sa 16 puntos. Nag-ambag din ng double-double sa depensa si Dani Ravena sa 17 excellent receptions at mahusay na paggabay ni Kamille Cal sa 18 excellent sets.
Matapos makauna ng Akari sa first set ay nagawang pumuro ng High Speed Hitters sa pagtala ng panalo sa 2nd at 3rd set, subalit nanatiling matatag ang loob ng Akari na ipagpatuloy ang kanilang winning streak at pangarap na makarating sa unang tapak sa kampeonato para mapuwersa ang winner-take-all fifth set.
Sa huling set ay nagawang maglaban ng husto ng Akari mula sa 12-14 na paghahabol, na nahaluan pa ng mabigat na bentahe matapos na mabigong makakuha ng pagpabor sa challenge na maaaring magbigay sa PLDT ng panalo.
Kommentarer