ni Mai Ancheta | June 22, 2023
Binura ang YouTube channel ng kilalang pastor na si Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ dahil sa paglabag sa community guidelines.
Inianunsiyo ng YouTube sa Twitter nitong Miyerkules ang pag-terminate sa account ni Quiboloy matapos punahin ng isang netizen at Youtuber na si Mutahar ang pagpapatuloy ng account ng pastor gayong may kaso ito at wanted sa Federal Bureau of Investigation (FBI).
Sa Tweet ni Mutahar, pinagsabihan niya ang Team YouTube na tulungan ang mga awtoridad at alisin ang account ni Quiboloy dahil sa umano'y human trafficking.
"Yo someone at @TeamYouTube has to help the feds or shut down this account. Actual human trafficking priest is running a channel still reaching out to victims less than 12 hours ago," anang bahagi ng tweet ni Mutahar.
Agad namang tinugon ng Team YouTube ang tweet at inanunsyo na lumabag umano sa kanilang community guidelines si Quiboloy.
"Hey, update here: upon review, we've determined that the channel is in violation of Community Guidelines & has been terminated," anang Team YouTube.
Matatandang inilagay ng FBI sa kanilang most wanted list si Quiboloy simula noong February 2022 dahil sa umano'y sex trafficking, fraud, coercion at pagdadala ng malaking halaga ng pera sa Amerika na itinuturing na bulk cash smuggling.
Sinubukan ng ilang miyembro ng media na makuha ang panig ni Quiboloy subalit "no comment" ang sagot ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio.
Comments