ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 30, 2020
Tuloy ang pagsulong sa trono ni Pinoy Grandmaster Wesley So matapos silatin si GM Hikaru “Speedchess Monster” Nakamura sa semifinals ng online na bakbakan sa paspasang ahedres na tinaguriang Champions Chess Tour: Skilling Open.
Pagkatapos ng dalawang 4-game series, nangibabaw ang 27-taong-gulang na chesser karga ang 4.5-3.5 na iskor mula sa isang panalo at pitong tabla. Halos ganito rin ang naging resulta sa kabilang hati ng semifinals nang nagliwanag ang husay ni GM Magnus Carlsen laban kay Russian GM Ian Nepomniachtchi.
Maghaharap sina So at ang world champion mula sa Norway na si Carlsen sa finals ng patimpalak na nilalahukan lang ng 16 na pili at malulupit na mga chessers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig para makaparte sa cash pot na $100,000.
Bukod sa pagbibigay ng sama ng loob kay Nakamura, maigting ang naging landas ng tubong Cavite na chesser papunta sa championship round.
Pumangatlo si So noong preliminaries tangay ang 8.5 puntos para makahakbang sa knockout stage kung saan unang humarang sa kanyang daanan si GM Teimour Radjabov ng Azerbaijan. Nameligro si So pagkatapos makatikim ng 1.5-2.5 na kahihiyan sa unang salpukan nila ni Radjabov. Naitabla niya ang sumunod na mini-series nila kaya nauwi sa rubber match na armagedon ang duwelo. Sa huli, naipagpag ni So ang karibal para makapasok sa round-of-4.
Puntirya ni So ang kanyang pangatlong korona ngayong 2020. Kamakailan, naitakbo niya ang kanyang pangalawang titulo sa prestihiyosong US Chess Championship (una siyang naging US Champion noong 2017). Noong 2020 Saint Louis Rapid and Blitz Tournament naman, isang bakbakan sa larangan ng rapid chess at blitz chess, idineklara sila ni Carlsen bilang co-champions matapos silang makaipon ng 24 puntos.
Comments