ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 5, 2024
Dear Chief Acosta,
Bumili ng chainsaw ang aking kapitbahay at sinabihan niya ako na wala siyang kinuha na permit bago niya ito bilhin at gamitin. Nais ko sanang ipagbigay-alam ang nasabing impormasyon sa ahensya ng gobyerno. May magagawa ba sa akin ang gobyerno kung sakaling gawin ko ito? Salamat sa inyo. - Wow
Dear Wow,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 8 ng Republic Act No. 9175, o mas kilala sa tawag na “Chain Saw Act of 2002”, na nagsasaad na:
“Section 8. Reward. - Any person who voluntarily gives information leading to the recovery or confiscation of an unregistered chainsaw and the conviction of persons charged thereof shall be entitled to a reward equivalent to twenty person (20%) of the value of the chain saw unit(s). The Department is authorized to include in its budget the amount necessary to carry out the purpose of this Section.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang sino man na boluntaryong magbibigay ng impormasyon na maaaring magresulta sa pagkakakuha muli o pagkakakumpiska ng mga hindi rehistradong chainsaw at conviction o hatol sa taong nagkasala ay magkakaroon ng pabuya o reward na katumbas ng 20% ng halaga ng nasabing chainsaw unit. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay binibigyang karapatan na isama sa kanilang budget ang halaga na maaaring makatulong para ipatupad ang nasabing probisyon ng batas.
Ito ay dahil nireregula ng ating gobyerno ang pagbenta, pagmamay-ari, at pag-angkat ng mga chainsaw alinsunod sa batas:
“Section 4. Persons Authorized to Manufacturer, Sell and Import Chain Saws. - Chainsaws shall only be sold and/or imported by manufacturers, dealers and/or private owners who are duly authorized by the Department.”
Kung kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ikaw ay boluntaryong magbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakakuha o pagkakakumpiska ng isang hindi rehistradong chainsaw at conviction ng taong nagkasala, ikaw ay nararapat na bigyan ng pabuya nang naaayon sa Seksyon 8 ng Republic Act No. 9175.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments