top of page
Search
BULGAR

Certification ng techvoc graduates, ilibre na

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 9, 2023


Libreng certification. Ito ang kailangan para mas mabilis na makakuha ng trabaho ang mga senior high school graduates na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod na sagutin na ng gobyerno ang gastos para sa nasabing dokumento. ‘Dead end’ ang nangyayari ngayon sa mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track.


Ang nangyayari kasi, sariling sikap ng ating mga graduates ang paghahanap ng testing center bago makatanggap ng National Certificate (NC) I o NC II na magbibigay sa kanila ng mas mataas na posibilidad na matanggap sa trabaho. Sa madaling salita, dagdag-gastos pa ito para sa mga TVL graduates at kanilang mga pamilya. Sa kasamaang-palad, marami sa hanay nila ang hindi nakakakuha ng trabaho dahil wala silang panggastos para sa nasabing certificate na umaabot sa P1,000.


Noong School Year 2019-2020, mayroong 486,278 graduates ng senior high school ang kumuha ng TVL track, habang 127,796 lamang ang kumuha ng national certification.


Kahit pumalo naman sa 124,970 o 97.8% ang passing rate sa mga kumuha ng national certification, katumbas lamang ng 25.7% ang certification rate sa kabuuan ng mga TVL graduates sa naturang school year.


Noong sumunod na school year, bumagsak din ang certification rate. Sa naitalang 473,911 TVL graduates, 32,965 lamang sa kanila ang kumuha ng national certification kung saan 31,993 o 97.1% ang pumasa. Para naman sa school year na ito, pumalo lang sa 6.8% ang certification rate.


Sa isinagawang pagdinig ng Batang Magaling Act o Senate Bill No. 2022, nais nating bigyang-diin dito na kaya namang sagutin ng pamahalaan ang gastos para mabigyan ng certification ang mga TVL graduates na wala pa nito. Lumabas sa isinagawa nating hearing na humigit-kumulang P358 milyon ang kinakailangan upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates ng SY 2020-2021 na wala pang certification. Kung titingnan natin, maliit na halaga lamang ito kung pagbabasehan ang P710 bilyon na pondo ng Department of Education (DepEd).


Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, mabibigyan natin ng pag-asa ang mga TVL graduates na makahanap agad ng trabaho.


Magagaling at matatalino ang ating mga graduates, ngunit hindi ito sapat kung hindi sila masusuportahan na makakuha agad ng trabaho. Bakit hindi natin ituring na magandang investment ang suhestyon ng inyong lingkod lalo na’t mataas naman ang passing rate?


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page